Monday, October 30, 2006

El Fili Kab. 25-26


Kabanata XXV
TAWANAN AT IYAKAN
Bilang pag-alinsunod sa mungkahi ni Pari Irene na ipagdiwang nila angkanilang “tagumpay” tungkol sa akademya ng wikang kastila, ang labing-apat na estudyanteng pinaghalong mga kastila at Pilipino ay inukupahan ang buong Panciteria Macanista de Buen Gusto upang doon idaos ang isang dakilang piging. Nagpadagdag sila ng mga ilaw at sa isang panig ng dingding, katabi ng mga palamuting-intsik, ay ikinabit ang isang paskin na ang nakasulat ay:
“Luwalhati kay Custodio dahil sa kanyang katusuhan at pansit sa lupa para sa mga binatang may mabubuting kalooban.”
Masisigla ang kanilang tawanan at pagbibiruan ngunit nababakas din ang itinatagong kalungkutan at kabiguan at di-iilan ang kinapansinan ng kislap ng mga luha sa mata. Sa gitna ng bulwagan na may mga nakabiting pulang parol ay may apat na hapag na bilog na inayos na parang kuwadrado. Matamang sinusuri ni Sandoval ang mga kakaning nasa hapag gayundin ang mga halaga. Ang iba’y nag-uusap ng tungkol sa Operetang-Pranses, ang mga artistang gumanap at sa diumano’y ang mahiwagang pagkakasakit ni Simoun na natagpuan daw na may sugat sa lansangan. Sang-ayon naman kay Tadeo, may nakapagbalita sa kanya na si Simoun ay sinaktan ng isang kung sino dahil sa paghihiganti at ang hindi malamang dahilan ng pagsasawalangkibo ng mag-aalahas ng tungkol sa nangyari sa kanya. Napunta ang usapan sa mga ginagawa ng mga prayle sa bayan-bayang kinatatalagahan. Dumating si Isagani, kasunod ang dalawang intsik na hubad-baro at may dalang dalawang malalaking bandehado ng mga nakakatakam na ulam na naaamoy na ng lahat. Masaya ang binata at ang hinihintay na lamang ang mga laging huling si Juanito Pelaez.
“Sana’y si Basilio ang ating inanyayahan sa halip na si Juanito,” ang wika ni Tadeo, “disin sana’y may matutuklasan pa tayong lihim kapag siya’y ating nilasing.”
“May lihim ba si Basilio?”
“At mahahalagang lihim pa nga, tulad halimbawa ng mga batang nawala, ang mongha.”
“Mga ginoo,” putol ni Macaraig, “isang natatanging sopas ang pansit lanlang na napakaraming halo, at ang mga buto ng manok na ito’y ihandog kay Don Custodio.”
Masayang halakhakan ang naging tugon sa pagbibiro ni Macaraig.
“Mayroon pa tayong tatlong ulam. Para kanino ang lumpiyang-intsik na yari sa laman ng baboy?”
“Para kay Pari Irene, ngunit dapat ay alisin muna ang ilong.”
“At ang tortang alimango ay ipatungkol sa mga prayle, tatawagin itong tortang prayle.”
“Para sa pamahalaan at sa bayan, ihandog natin ang pansit gisado.”
“Ang pansit ay sa mga Intsik daw o sa mga Hapon ngunit ito’y di kilala sa mga bayan nila kayat lumalagay na ito’y sa Pilipinas mula ngunit inaangkin ng mga dayuhan at sila ang nakikinabang, tulad na tulad ng pamahalaan sa Pilipinas,” sandaling tumigila si Macaraig. “Lahat ay nabubuhay at binubuhay ng bayang ito ngunit pagkatapos ay walang pinakamasama kundi siya rin.”
“Huwag kayong lubhang maingay,” putol ng isa, “alalahanin ninyong ang mga dingding ay may pandinig at maaaring ngayon pa lang ay may mga lihim nang nagmamanman sa atin.”
Hinihiling ni Macaraig si Tadeo na magtalumpati at waring mapapasubo sa pagkakataong ito, mabilis na kumilos ang utak nito habang humihigop ng sabaw ng sotanghon. Nagunita ang isang talumpating natutuhan sa klase at ito ay sinimulang bigkasin ngunit karaka siyang hinadlangan ni Sandoval. Nagpatuloy siya at salamat sa pagdating ng ilan pang putahe at nakaligtas siya sa kagipitan. Nang ihain ang torta ay si Pecson naman ang nagsalita ng tungkol sa mga prayle at sa kanilang mga katakawan. Sumigaw ng “Mabuhay” ang lahat ngunit tumayo si Isagani at winikang huwag lahatin sapagkat may isang prayle siyang itinatangi at iginagalang. Sumunod na nagsalita si Sandoval.
“Mga kapatid, makinig kayong lahat sa akin. Sandali nating lingunin ang ating kamusmusan, suriin ang kasalukuyan at tanungin angkinabukasan. Ang mga prayle ay naging bahagi na ng ating buhay buhat sa ating pagsilang. Hindi ba’t sila ang nagbinyag, nagkumpil at unang nagpakilala sa atin sa isang Diyos? Sa kanya natin ibinubulong ang ating mga lihim, inaakay nila tayo sa kabuhayan at kabanalan. Sila ang mga gurong nagtuturo at nagbubukas ng ating mga puso hanggang sa matutuhan nating umibig. Ang prayle rin ang magkakasal sa inyo at sa inyong paghihingalo ay nariyan din siya sa iyong tabi at hindi ka iiwan hanggat di ka namamatay. Ngunit hindi lamang hanggang diyan ang ginagawa nila para sa atin. ipinaglalaban nila ang bangkay mo’y maidaan muna at mabendisyunan sa simbahan. Isipin mo kung sila’y mawawala sa atin. hindi ba’t dahil sa kanila ay dumarami at bumubuti ang ating lahi? Paano pa tayo magkakaisa-isa sa ating kalagayan, paano na ang mga korea at kalmen, ano pa ang gagawin ng ating mga kababaihan? Kung wala ang mga misa, nobena at prusisyon, paano ninyo mapaparami ang mga sugalang mapaglilibangan nila upang hindi mabagot at mainip sa bahay? Alisin ninyo angmga prayle at mawawala na ang kabayanihan, mawawala na ang mga indiyo. Kung aalisin sila sa Pilipinas ano ang mangyayari sa pamahalaan sa kamay ng mga Intsik?”
“Kakain ng tortang alimango,” agaw ni Isagani na nayamot sa mahabang talumpati.
“Tumpak, kumain na tayo at tama na ang mga talumpati,” sang-ayon ng lahat.
Tumayo ang isang estudyante upang tumungo sa loob nang matagalan ang mga serbidor na Intsik sa paglalabas ng iba pang putahe, ngunit karaka itong nagbalik at humudyat nang palihim.
“May nagmamanman sa atin, nakita ko ang paborito ni Pari Sibyla. Nang makita ako’y dagling umalis na nagmamadali.”
Lumapit sila sa may bintana at sa may liwasan ay nakita nila ang isang lalaking patingin-tingin sa paligid at pagkatapos ay sumakay na kasama ng isa pang di nila kilala sa isang karwaheng nasa tabi ng bangketa na hindi nakaila sa kanila na pag-aari ni Simoun.
“Aha,” wika ni Macaraig, “walang iba kundi ang alipin ng ‘Vice-Rectos’” na pinaglilingkuran ng panginoon ng Heneral.”


Kabanata XXVI
MGA PASKIN

Maagang-maagang nagbangon si Basilio upang dalawin ang kanyang mga pasyente sa ospital at pagkatapos ay tutungo sa unibersidad upang ayusin ang tungkol sa kanyang pagtatapos. Balak niyang makipagkita rin kay Macaraig upang manghiram ng halagang pampuno sa gagastusin niya sa pagtatapos sapagkat ang malaking bahagi ng kanyang naiipon ay naipantubos niya kay Juli at sa bahay na titirhan nito at ng kanyang Ingkong Selo. Nangangamba siyang lumapit kay Kapitan Tiago at baka akalaing nagpapauna na siya sa ipinangangako nitong ipamamana sa kanya.
Nakarating siya sa San Juan de Dios na nasa malalim na pag-iisip at hindi tuloy napansin ang mga estudyanteng waring lahat ay pauwi buhat sa paaralang tila nakasara. Nang tanungin ng kanyang kaibigan ang tungkol sa paghihimagsik ay saka siya parang natauhan at nakaramdam ng labis na takot. Nagunita niya ang mga sinabi sakanya ni Simoun kagabi. Ibinalita ng kanyang kausap na ito’y natuklasan at ang mga nahuling kasangkot ay pawang mga estudyante. Lumayo sa mga nag-uusap ngunit nakasalubong ang isa niyang propesor sa clinic na pumigil sa kanyang pagmamadali.
“Nasa piging ka ba kagabi?”
“Este, sa dahilan pong masama ang lagay ni Kapitan Tiago at ako’y kailangang . . .”
“Mabuti kung gayon at hindi ka dumalo, ngunit hindi ba kasapi ka sa kapisanan ng mga estudyante?”
“Nagbigay lamang ako ng butaw,”
“Kung gayon ay dapat kang umuwi ngayon din at punitin ang lahat ng papel na maaaring magsangkot sa iyo.”
“Wala po akong sukat ipangamba tungkol diyan, ngunit si G. Simoun po kaya’y wala . . .”
“Sinugatan siya ng isang kung sino at salamat sa Diyos, hindi maaaring may kinalaman siya roon, ang mga estudyante ang nasasangkot dahil sa mga paskil na may masasamang sinasabi at sa unibersidad pa raw natagpuan. Ang Vice-Rector ang nagpatanggal at ipinadala sa pamahalaan.”
Naputol ang pag-uusap ng dalawa nang dumating ang propesor na mukhang sakristan at tiktik na tagasumbong ng Vice-Rector. Nang huminahon na ang loob ni Basilio ay ipinasiyang magtungo na sa unibersidad. Ang dating sigla ng mga estudyante ay wala at ang nahalili’y mga guwardiya sibil na nagpapauwi na sa mga ito. Nasalubong niya si Sandoval na waring naging bingi sa kanyang pagtawag. Nakita rin niya si Tadeo na masayang-masaya, ito ang kanyang tinanong.
“Tadeo, bakit, ano ba ang nangyari?”
“Napakabuti, biruin mong wala kaming pasok hanggang sa isang linggo at tayong mga kasapi sa kapisanan ay ibibilanggong lahat.” Di-maikaila ang kalakhan sa tinig nito.
“At ikinatutuwa mo pa ang bagay na iyan?”
“Di nga kasi, walang klase, walang klase,” at ito’y tumalikod na.
Sumunod na nasalubong ni Basilio ang namumutla at lalong nakubang si Juanito Pelaez. Isa siya sa pinakamasipag na matayo ang kapisanan at ngayo’y putos-pangamba sa maaaring maganap.
“Pelaez, ano ba talaga ang nangyari?”
“Aywan ko, wala akong nalalaman at hindi ba, Basilio na noon pa ma’y talagang sinasabi ko nang ito’y kalokohan lamang, saksi ka, hindi ba?”
“Ha aba’y . . . oo na nga, ngunit ano bang naganap?”
“Huwag mong kalilimutan na ako’y tutol na tutol at kay lamang nakilahok ay upang pagpaliwanagan kayo, tandaan mo iyan,” at ito’y matuling lumayo nang mamataan ang isang tanod.
Nang walang mapalang kasagutan sa mga tinanong, nagpatuloy na sa unibersidad si Basilio upang tingnan kung bukas ang tanggapan ng kalihim. Napansin niya ang mga kakatwang galaw ng mga manhik-manaog na militar, prayle, iba’t ibang ginoo, manananggol at mga doktor. Namataan niya ang kaibigang si Isagani na bagamat waring lito at namumutla ay nagsasalita nang malakas at waring di-nangangambang marinig ng lahat.
“Hindi ko kayo maunawaan, mga kasama, ano’t sa katiting na bagay na ito’y para kayong mga ibong nabulabog at mga bahag-buntot na magsisitakbo? Ngayon ba lamang magkakaroon ng mga kabataang mabibilanggo dahil sa paghahangad ng kalayaan?”
“Subalit sino kaya ang may kagagawan ng mga pasking iyon na diumano’y natagpuan?” galit na tanong ng isa.
“Hindi mahalaga iyan, sila ang dapat magsuri at umalam. Kung anuman ang nilalaman ng mga paskil na iyon, lalo na’t kung kaisa naman ng ating mga damdamin at layunin ay dapat pa ngang pasalamatan at marapat na samahan pa ng ating mga lagda ang kanyang mga isinulat. Ngunit kung ang mga ito’y laban sa tunay nating kalooban ay sadyang tumpak lamang na ating tutulan at kalabanin.”
Sa narinig na ito ni Basilio, bagamat malapit sa kanyang kalooban si Isagani ay iniwasan niyang makita siya nito at sa halip ay nagtuloy na sa bahay ni Macaraig. Sa malapit pa lamang ng tahanan nito ay nakapansin na siya ng mga bulung-bulungan at lihim na hudyatan ng mga kapitbahay. Sa pagpasok niya ng pintuan ay dalawang tanod ang sumalubong sa kanya at itinanong ang kanyang pakay. Bagamat nabigla ay hindi na nakaurong ang binata. Sinabi niyang hinahanap niya ang kaibigang si Macaraig, na noon nama’y papanaog na at masayang nakikipag-usap sa kabo na may nauunang alguacil. Sinabi ni Basiliong nais niyang makausap angkaibigan.
“Basilio, marangal kong kaibigan, ngayo’y naparito ka samantalang noo’y waring nilalayuan mo kami?”
Nagtanong ang kabo samantalang may isang talaang tinitingnan.
“Kayo ang taga-kalye Anloague at nag-aaral ng madisina? Mabuti at kayo na ang kusang naparito, kayo’y aming dinarakip,” wika ng kabong inakbayan pa si Basilio.
“Bakit po pati ako’y . . .”
“Huwag kang mag-alala, kaibigan,” masayang wika ni Macaraig. “Halina sa aking sasakyan at ibabalita ko sa iyo ang nangyari sa piging na dinaluhan namin kagabi.”
Inanyayahan din ng mayamang binata ang kabo at ang mga kasama nito na lumulan na rin. Sa bahay-pamahalaang sibil ang iniutos sa kutsero. Samantala’y di nag-aksaya ng panahon si Basilio at sinabi kay Macaraig ang tunay niyang sadya. Kinamayan siya nito at nagwika ng:
“Kaibigan, ang tulong ko’y maaasahan mo at sa iyong pagtatapos ay anyayahan natin ang mga ito,” at itinuro ang kabo at alguacil.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home