Wednesday, November 01, 2006

El Fili Kab. 27-28

Kabanata XXVII
ANG PRAYLE AT ANG PILIPINO


Sa gitna ng masigabo at malakas na pagsasalita ni Isagani sa kanyang mga kaibigan sa unibersidad, ay may lumapit sa kanya at nagsabing ipinatatawag siya ni Padre Fernandez, isa niyang propesor at ang tanging prayleng kanyang itinatangi at iginagalang.
Naghihintay sa kanyang sulid si Padre Fernandez na noo’y malungkot at waring nag-iisip. Tumayo ito at kinamayan si Isagani nang ito’y pumasok. Matapos isara ang pinto ay nagpalakad-lakad sa harap ng naghihintay na binata.
“G. Isagani, kanina’y narinig ko kayong nagsasalita. Ako’y nalulugod sa mga kabataang may sariling isip at maalam magpahayag ng sariling damadamin kahimat ang mga ito’y katumbalikan ng sarili kong kuro at palagay. Huwag kayong magkaila, isa kayo sa mga nasa pging kagabi?”
“Totoo po at walang dahilan upang ito’y aking ikaila.”
“Magaling, samakatwid ay matatayuan ninyo kung ano man ang maging bunga ng inyong ginawa. Hindi ko kayo masisisi sa mga binitawan ninyong pananalita laban sa mga dominiko, karapatan ninyo iyan. Hindi kayo nagsimula sa amin at sa taong ito lamang kayo nag-aral dito. Ipinatawag ko kayo sapagkat bilang isa sa mga hinahangaan kong mag-aaral na may pagtitiwala sa sariling prinsipyo ay ninais kong tayo’y magkaliwanagan.”
Nanatiling nakatayo si Isagani bagamat inanyayahan siyang maupo ng prayle, hinihintay niya ang sasabihin pa nito.
“Sa mahigit na walong taon kong karanasan sa pagtuturo ay may mga dalawang libo at limandaang estudyante na ang dumaan sa akin at sinikap kong maturuan, ginabayan upang maging makatuwiran at marangal. Ngunit sa kabila nito’y nilalait kami sa talikuran ngunit ni minsa’y walang nagkalakas-loob na sumbatan kami sa harapan. Ano ang nararapat naming gawin sa mga tulad nila?”
“Hindi sila ang tanging may kasalanan, Padre. Higit ang pagkakasala ng mga nagturo sa kanila ng mapagbalat-kayong pag-uugali. Dito sa amin, ang anumang kuru-kuro mo na di kasang-ayon ng mga nasa kapangyarihan ay isa nang kasalanan. Mayroon po bang ulol na masabi lamang nang malakas ang iniisip ay magtitiis na usigin at maparusahan?”
“Anong pag-uusig at pagpaparusa? Sa aking klase ay malaya kayong makapang-usap. Kunsabagay, isa kayong estudyanteng natatangi.”
“Hindi pa natin dapat pagtalunan kung sino ang natatangi sapagkat kayo man ay tangi rin, makabubuting ilayo po natin sa bagay na ito ang ating pag-uusap.”
Namangha si Padre Fernandez, hindi niya sukat-akalaing may pagka-malaya pala ang binatang ito na higit kaysa kanyang inaakala. Sa pagkakataong iyon ay nawarian niyang ipinalagay ni Isagani na hindi nagkakalayo ang kanilang kalagayan.
“Kung gayon, ano ang nais ng mga estudyanteng Pilipino sa aming mga guro ninyo?”
“Ang kayo’y tumupad sa inyong tunay na tungkulin.”
“At ano ang tungkuling ito na nais ninyong tuparin namin?”
“Ang kami’y inyong hubugin sa lalong mabuting paraan, sa pangkaisipan at pangkatawan upang magkamit ng kaligayahan at makalikha ng isang bayang marangal, maunlad, matalino, mabait, dakila at tapat. Ang mga ito ba’y natupad ngmga prayle?”
“Tumutupad kami,” mabilis na pakli ng kausap.
“Totoo, kayo ay tumutupad ngunit ang mga kasamahan ninyo? Alam ninyo ang katotohanan, Padre, ayaw kong manugat ng damdamin lalo na ng isang iginagalang ko ngunit yaman din lamang na tayo’y nagpapaliwanagan ay makabubuting ipagpatuloy na po natin. Sa mga bayan-bayan, anong uri po ng pagtuturo ang kanilang isinasagawa? Hinahadlangan nila ang ikatututo ng mga bata, pinapatay nila ang ningas ngkasiglahan, hinahamak ang karangalan, at ang ipinupunla ay mga luma at lipas nang karunungan bukod pa ang mga inihahasik na mga maling simulaing kalaban ng pag-unlad. Ang katulad nila’y ang nananalo sa subasta sa pagpapakain sa mga bilanggo. Pagkakainin ang mga ito hindi upang lumusog kundi upang gawing isang hanapbuhay na mapagkakakitaan nang malaki.
“Napakabigat na paratang iyan, binata.”
“Hindi po, Padre. Sa akin pong tinutukoy ay di kayo kabilang, ngunit ang mga prayle po’y siyang tagapagpakain ng aming mga isipan ngunit ayaw po nila kaming bigyan ng sustansiya upang lumusog. Natatakot po sila na kung kami’y matututo ay hangarin naming lumaya. Ang pag-ayaw po nilang kami’y tumalino ang puno’t dulo ng aming di-kasiyahang-loob.”
“Ipinagkaloob lamang ang karunungan sa mga karapat-dapat sapagkat magiging kahalay-halay lamang kung maibibigay sa mga taong di malinis ang kalooban at masama ang asal.”
“Kung gayo’y ano’t walang mga taong may malinis na kalooban at mabuting asal?”
“Anong malay ko, maaaring iyo’y mga namanang kasiraan sa mga magulang at nuno o nagisnan na pamilya.”
“Nagkakamali po kayo, Padre o maaaring natatakot lamang kayo sa katotohanan ng mga pinaggagagawa ng inyong mga kapwa-prayle. Kung ano ay sapagkat kayo ang may kagagawan. Ang paniniil ay nakapagtuturo ng pagkukunwari, ang ipinagkakaloob ninyo’y kasinungalingan at lumilikha ng alipin ang inyong mga pagdarahas. Walang mabuting kaasalan? Kung ito’y totoo, diyata’t ang halos tatlong daa’t limampung taon ninyong pagtuturo sa amin ay walang nagawa? Kung iya’y sa isang eskultor, napakatunggak naman niya kung sa napakahabang panahon ay isang walang ayos na larawan lamang ang nalikha niya!”
“Baka masama ang putik na kanyang ginamit?”
“Kung gayo’y sa kabila pa siya ng katunggakan, sapagkat alam na pala niyang masama ay bakit di iwaksi ang putik at sa halip ay nagpatuloy pa sa pag-aaksaya ng panahon, at di lamang tunggak kundi magdaraya at magnanakaw pa dahil alam nang walang kabuluhan ang kanyang likha ay sige pa rin upang makatanggap lamang ng kabayaran at siya’y buhong pa rin spagkat ayaw bigyan-daan ang ibang eskultor upang sumubok ng kanilang magagawa.”
Napakatinding kasagutang lihim na nakapagpayanig kay Padre Fernandez. Tiningnan niya ang binata at nasinag niya rito ang isang kadakilaang di-madaraig at makapangyarihan. Ngayon lamang siya tinalo ng isang estudyante at nakaramdam ng pagsisisi kung bakit nahamon pa niya ito sa isang pakikipagtalo. Ngunit kailangan siyang makalusot sa kagipitang ito.
“Sa amin ninyo ibinabagsak ang lahat ng sisi, tulad kayo ng iba na napopoot sa humuhuling kawal ngunit hindi sa nag-uutos na hukom. Sa akala ninyo ba, kaming mga prayle ay walang budhi at hindi nagnanais ng kabutihan? Ngunit kami’y umaalinsunod lamang sa kung ano ang ipinag-uutos sa amin. Kayo ang magpalayas sa amin o kami’y palayasin ng pamahalaan?”
“Samakatwid po baga’y hangad ng pamahalaan ang aming ikasasama?”
“Hindi iyan ang nais kong sabihin ngunit dapat mong matanto na may mga kautusang may mabubuting layunin ngunit ang ibinubunga’y kapinsalaan, ngunit nalalayo tayo sa usapan. Ang masasabi ko ang mga kasiraang inyong binabanggit ay di dapat isisi sa amin ni sa pamahalaan, iyan ay nasa-wastong pagkakatatag ng aming kapisanan, na labis ang pagka-maingat at kakulangan sa kailangan at lampas sa kalabisan.”
“Kung tinatanggap ninyo ang kasiraang iyan ay bakit di ninyo palitan o dinggin kaya ang panig ng mga napipinala? Kapag ang mga prayle ay nagtago na sa likod ng pamahalaan ay ito na ang tutunguhin ng mga mag-aaral.”
“Ano bang talaga ang nais ninyong gawin namin para sa inyo?”
“Huwag ninyong hadlangan ang aming pagkakatuto at bagkus ay tumulong pa nga kayo.”
“Para ninyo nang hinihiling ang aming pagpapatiwakal.”
“Mali po kayo, ito’y isang paghiling na kami’y paraanin lamang upang huwag kayong masagasaan at madurog. Ang mga estudyante ninyo’y magbabago ng inaasal ngayon kung kayo ang magpapasimula ng pagpapakita ng malasakit sa kanila.”
“Hindi sila pinipilit na mag-aral, tutal maraming bukid na hindi natatamnan.”
“Katutubo pa ang hangarin ng tao na payabungin ang kanyang sarili, ang hanapin ang kanyang kagalingan at ang tungkol sa sinasabi ninyong mga bukid na hindi natatamnan, bakit po, hangad po ba ninyong manatili na lamang sa pagsasaka ang bayang ito?”
“Hindi, ngunit ang karunungan ay dapat doon lamang sa marunong mangalaga nito at sa kanyang karangalan. Isa pa’y kayo ang dapat mauna sa mga pagbabago at kami ang susunod yaman din lamang at kayo ang may pangangailangan.”
“Gayon nga marahil sapagkat kami ang palaging tampulan ng mga kasiraan, kaming ang hangarin lamang ay mapabuti ang aming kalagayan.”
“Isagani,” ani Padre Fernandez atiniabot ang kamay sa kausap, “inaasahan kong kapwa tayo may mapulot sa pag-uusap na ito. Ipaaabot ko sa aking mga kapatid ang inyong mga sinabi ngunit ang ikinatatakot ko lamang ay baka hindi sila maniwala na may isang katulad mo.”
“Iyan din po ang pangamba ko na baka ang aking mga kaibigan ay hindi maniwala na may isang tulad ninyo na nakiharap sa akin nang tulad nito.” wika ng binata na matapos makipagkamay sa prayle ay nagpaalam na.
Sinundan ngtanaw ni Padre Fernandez ang papalayong binata at narinig pa ang sinabi nito sa isang kakilalang nasalubong na nagtanong kung saan ito patutungo.
“Sa pamahalaang-sibil, titingnan ko ang mga paskil at makikisama ako sa mga naroroon na,” walang anumang pakli ni Isagani na hindi na pinansin ang nasindak na kausap na karakang tumalilis.
Labis na nahabag si Padre Fernandez sa kasasapitan ng binata at nangingilid ang luhang nasabing kinaiinggitan niya ang mga heswitang nagturo rito. ngunit siya’y nagkakamali sapagkat ang mga heswitang ito, nang mabatid ang mga pinagsasabi at ginawa ni Isagani ay nagalit sa binata, at winikang ikapapahamak pa nila ang paniniwala nito na hindi naman sila ang nagturo.
Tama ang mga heswita, hindi nga sa kanila galing ang mga pagkukuro ni Isagani, iyon ay buhat sa Diyos na ipinagkaloob sa kanya ng kalikasan.



Kabanata XXVIII
ANG KATATAKUTAN


Ang mga naganap sa pansiterya at ang mga paskil na nakita sa unibersidad ay nakapagbigay-katuwiran sa mga pahayag ni Ben Zayb na sa Pilipinas, ang pagpapaaral sa mga kabataan ay tunay na nakasasama sa halip na makabuti. Lalo niyang hinangaan ang sarili, ang tanging nag-iisip sa Pilipinas at nakahuhula ng maaaring maganap.
Ikinabahala ng marami ang tungkol sa mga diumano’y mga paskil na may mga nakasulat na masasama at natagpuan sa mga pinto ng unibersidad. Takot ang naghari sa lahat lalo na sa mga negosyanteng Intsik sa pangunguna ni Quiroga. Ang lalong nakapagpalala sa kanyang agam-agam ay ang pangyayaring ni silip ay hindi nagawa ng mga prayle sa kanyang tindahan gayong batid na may bagong dating na paninda. Pinagbilinan pa siya ng isang kaibigang may katungkulan na huwag magpapasok ng indiyong hindi niya kilala sa kanyang bahay-pasugalan. Binalak niyang makipagkita kay Simoun kayat matapos maihanda ang kanyang basar sa isang paraang madaling maisasara kung saka-sakali’t magkakagulo, ay nagpasama sa isang bataan sa bahay nito na malapit lamang naman sa kanya. Nais niyang banggitin dito na ito na ang napakagandang pagkakataon upang magamit ang mga baril at punlo na nasa kanyang bodega ayon sa parang sinabi sa kanya ni Simoun noon. Kung mailalagay ang mga ito sa bahay-bahay ay tamang-tama sa napipintong paghahalughog na maaaring isagawa dahil sa mga kaguluhang nagaganap. Parang nakikini-kinita na niya ang mahahamig na salapi sa mga taong lalapit sa kanila upang patulong sa suhol at multa na maaaring ipataw sa kanila.
Subalit si Simoun na ayaw makipagkita kahit kanino ay nagpasabi lamang na bayaan muna ang mga nasa bodega. Dahil dito’y ipinasiyang kay Don Custodio magtanong ng nararapat gawin sa kanyang tindahan ngunit ito ma’y hindi rin nakipag-usap sa kanya sa dahilang abala sa pag-iisip ng paraan ng pagtatanggol kung siya makukubkob ng kaaway. Nagunita niya si Ben Zayb at inisip na makipagkita rito tungkol sa mga nagaganap ngunit nang makitang ito ma’y nasasandatahang mabuti bukod pa sa mga rebolber na nakapatong sa hapag-sulatan ay karakang nagpaalam at nagdahilang sinamaan ng katawan.
Nang dakong hapon na, ang kumakalat nang balita ay tungkol sa ugnayan daw ng mga estudyante at ng mga tulisan sa bundok ng San Mateo. May mga paglusob na magaganap daw sa lungsod at ang mga barkong pandigma ng mga aleman na nakadaong sa may labas ng look ng Maynila ay nakahandang tumulong sa mga ito. Ibinilanggo raw ang ilang kabataang kunwa’y nag-aalok ng tulong sa Kapitan Heneral ngunit natuklasang sandatahan. Mabuti na lamang daw at hindi nakaharap ang mga ito ng Kapitan Heneral sapagkat noo’y abala sa pakikipagpulong sa mga prayleng isinugo ni Pari Salvi. Pinatunayan ni Pari Irene na totoo ang mga ito at diumano’y may nagmungkahi pa sa Kapitan Heneral na bigyan ng aral ang mga kabataang pilibusterong iyon.
“Barilin ang ilan at ipatapon ang iba at makikita ninyo, masusugpo na ang kanilang pagtatapang-tapangan.”
“Huwag naman,” tutol daw ng isang mahabagin, “sukat na ang pagalain mga batalyon ng kawal na nakakabayo na bunot ang mga sable, kasunod ang isang kanyon at ang bayang kimi at matatakutin ay makikita ninyong magsisipagtago at magsisipagkandado sa kani-kanilang tahanan.”
“Mali, ang dapat pa ngang gawin ay udyukan silang magsilabas at magpakabayani para kung magkagulo ay magkaroon ng katuwiran ang mga kawal na sila’y patahimikin sa isang parang –ubos-tindi.”
“Ang lalong magaling ay ideklara ang batas militar para sa anumang kaliit na kaligaligan ay maaaring pagdadakpin ang mga mayayaman at marurunong, at nang malinis ang bayan.”
Dumalaw nang hapon iyon kay Kapitan Tiago si Pari Irene. Isinalaysay niya rito ang mga gawa-gawang nakatatakot na pangyayari.
“Kung hindi dahil sa pagpapayo ko na magpakahinahon ang lahat ay umaagos na sana ang dugo sa mga lansangan. Kayo lamang kapitan ang inaalaala ko, sayang at ngayon pa nagkasakit si Simoun.”
Lalong naglubha si Kapitan Tiago nang dakpin si Basilio at magkaroon ng paghahalughog sa kanyang tahanan. Atngayo’y lalo pang dinaragdagan ni Pari Irene ang kanyang nerbiyos sa pamamagitan ng mga salysay na nakapangingilabot. Nakaramdam ng matinding panginginig angmaysakit, unti-unting nangatal hanggang hindi na makapagsalita. Nagdidilat ang mga mata, pinagpapawisang mabuti at nagtangkang bumangon kayat napahawak sa bisig ni Pari Irene, datapwat matapos umungol nang makawala’y biglang bumagsak na dilat na dilat ang mga mata at sumasago ang laway. Patay na! Napatakbo sa takot si Pari Irene ngunit sa dahilang nakakapit pa ang isang kamay ni Kapitan Tiago sa kanya ay nakaladkad pa niya ang katawan nito hanggang sa gitna ng silid bago siya sindak na sindak na nakatakas.
Samantala, dahil sa isang binyagan na may sabuyan ng pera sa may pinto ng simbahan, ay nagkaroon ng kaunting kaguluhan dahil sa pag-aagawan ng mga bata. Nagkataong may dumaraang isang militar na sa pagkagulat ay nag-akalang may mga pilibustero na, kung kayat binunot ang sable at kung hindi nagkasala-salabid ay napugutan sana ng ulo ang mga naroroon. May mga nag-akalang may mga lumusob na kung kayat nangagtakbuhan at nagsipagsara ng kani-kanilang mga bahay at tindahan.
Sa isang lugar naman ay may hinabol ang mga tao na dalawang di-kilalang lalaki na nagbaon ng armas sa silong ng isang bahay. Binugbog nila ang mga ito ngunit ang nakitang ibinaon ay matandang baril na makasusugat pa sa sinumang magtatangkang gumamit noon.
Sa may Ermita naman ay nabaril ang isang beterano na inakala ng isang kawani na estudyante. Isa pa ring matandang bingi ang napatay naman sa Dulumbayan nang di nito marinig ang pagsino ng isang bantay. Sa kamaynilaan. Sa isang tindahan ng matamis na malapit sa unibersidad ay pinag-uusapan ang mga nahuling estudyante.
“Si Tadeo ay hinuli rin at balita ko’y nabaril na.”
“Susmaryosep,” wika ngmay-ari ng tindahan, “paano pa ngayon mababayaran ang utang niya sa akin?”
“Mag-ingat ng pagsasalita, Ginang, baka kayo mapaghinalaang kaalam. Pati nga aklat na ipinahiram niya sa akin ay sinunog ko na. Ang luku-luko’y si Isagani, sukat ba namang magprisinta pa gayong hindi naman siya hinuhuli.”
“Hindi bale at wala siyang utang sa akin, ngunit paano na si Paulita Gomez?”
“Iiyak marahil sandali at pagkatapos ay maghahanap ng ibang mapapangasawa.”
Naging napakalungkot ng gabing iyon. Maaga pa’y wala na halos laman ang mga lansangan maliban sa mga tanod at kawal na nangakabayo. Ang lahat ng mga nasa tahanan ay walang tigil sa pagdarasal. Subalit sa platerya na pinangangaserahan ni Placido ay pinag-uusapan nang may kaunting laya ang mga nagaganap.
“Ang mga paskil na iyan ay napipiho kong kagagawan ni Pari Salvi,” ang wika ng isang manggagawang payat.
“Mag-ingat, baka tayo’y minamanmanan,” paalaala ng platero.
“Ang may kagagawan ay ang intsik na si Quiroga,” pakli ng isa pang manggagawa, “narinig ko iyan sa tanggapan.”
“Upang maipuslit na papasok ang mga pisong Mehikano na nakadaong na sa laot ay gumawa ng lalang na iyan para sa pagkakagulo ay maipasok dito ang mga kaha ng salapi matapos magsuhol sa ilan.”
Nakarinig sila ng mga yabag na papalapit kayat dagli nilang iniba ang usapan. Ang mga dumating ay sina Placido at may kasamang matatandaang isa sa mga lihim na inuutusan ni Simoun. Humingi sila ngbalita kay Placido.
“Mat mga tatlumpu silang nahuli ngunit ni isa’y wala akong nakausap.”
“Magkakaroon daw ng maramihang pagpugot ng ulo, magsipaghanda kayo,” wika ng kasama ni Placido.
Nanginig sa takot ang lahat at lalong sinasal ng ubo ang platero.
“Kung tayo’y pagpapatayin din lamang,” patuloy ng kasama ni Placido, “ay makabubuti marahil kung tayo man ay lumaban na rin.”
Nag-uwian na ang mga manggagawa ngunit matapos kumuha ng magagawang sandata at isang pangako na kailangang ipagtanggol ang kanyang sarili at kaanak. Umalis muli sina Placido at ang kasama. Kinaumagahan, sa paglalakad ni Ben Zayb ay nakatagpo sa may Luneta ng isang bangkay ng dalagitang indiya na sa malas ay ginahasa at saka pinatay. Ngunit ang natuklasang ito ay hindi niya inilathala sa pahayagan nang mabatid na kagagawan ng mga civil na kastila.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home