El Fili Kabanata 29 & 30
Kabanata XXIX
MGA HULING SALITA TUNGKOL KAY KAPITAN TIAGO
Napakaringal ng libing ni Kapitan Tiago at bagamat ipinagunita ng kura kay Pari Irene na namatay itong di-nakapangumpisal ay nagkibit-balikat lamang ito at winikang:
“Maano, ang mga paghihigpit ay para roon sa mga walang ibabayad lamang ngunit si Kapitan Tiago, aba naman kayo . . . kung iyon ngang Intsik na di-bininyagan ay may misa de requiem pa, si Kapitan Tiago pa ba ang mahuhuli at mapababayaan?”
Si Pari Irene ang hinirang ni Kapitan Tiago na maging tagapagpatupad ng kanyang mga huling habilin. Ang isang bahagi ng kanyang kayamanan ay ipinagkakaloob sa Sta. Clara, ang isang bahagi’y sa Papa, sa Arsobispo at sa mga korporasyon, at dahil daw sa mungkahi ni Pari Irene na lubhang mapagkawanggawa sa mga masisipag na batang mag-aaral ay nagpalaan siya ng dalawampung piso para sa matrikula ng mga batang ito na mahihirap lamang. Ang halagang dalawumpu’t limang pisong nakatakda sanang mamana ni Basilio ay pinawalang-bisa ni Pari Irene dahil sa masamang inasal daw nitong mga huling araw at sa dakong huli ay naisip ng pari na makabubuting ibulsa na lamang niya kaysa kung saan pa ito mapatungo.
Sa kanyang bahay ibinurol ang mga labi ni Kapita Tiago at nagdagsaan ang mga dati niyang kaibigan, kakilala at hindi man. Pinag-uusapan nila ang isang napabalitang pagpapakita ng kaluluwa ng namatay sa mga mongha noong kasalukuyang naghihingalo pa ito. Ligid daw ng maningning na liwanag ang kapitan. Pinaniwalaang iniligtas ng Diyos ang kanyang kaluluwa dahil sa dami ng mga misang patungkol sa kanya at sa pagkakaloob niya ng kanyang kayamanan sa lapakanan ng relihiyon. Ang sakristan mayor na kasama sa mga nag-uusap ay tango lamang nang tango bg pagsang-ayon at naisip na kung siya marahil ay mamamatay at muling magpapakita ay napipiho niyang mamamalas siyang may dalang isang tasa ng taho na paborito niyang almusal. Ang mga kaeskuwela sa sabungan ni Kapitan Tiago na nangaroon din ay pinag-uusapan kung hahamunin kaya ng Kapitan si San Pedro na pagsabungin ang kani-kanilang mga manok. May kamatayan daw kaya ang mga mnok doon at kung sakali, sino man ang magiging sentenciador, sino kaya ang matatalo at ang mananalo. Ngunit ang pilosopong si Don Primitivo ay nagsabing walang sinumang matatalo sapagkat ito’y nagdudulot ng samaan ng loob at sa langit ay hindi ipinahihintulot ang sama ng loob. Dito tumutol ang bantog na sabungerong si Martin Aristorenes.
“Aba, walang kuwentong paglalaban iyan kung walang talo at walang panalo, nasa bagay naiyan ang ikinasasarap ng labanan.”
“Kaibigang Martin, mapaparusahan ka sa impiyerno sapagkat hindi ka naniniwala sa kapangyarihan ng Diyos. Kayat tandaan mong mula ngayon ay hindi na ako makikipag-monte sa iyo ni makikipagbakas sa anumang huwego,” pangwakas na sabi ni Don Primitivo sa namutla namang kausap.
Sa ibang pangkat, angpinag-uusapan naman ay ang tungkol sa kung anong damit ang ipasusuot sa libing ni Kapitan Tiago. Iminungkahi ni Kapitan Tinong na damit-pransiskano ang ipasuot dahil mayroon siyang isang luma na’t tagpi-tagpi pa na kaloob ng isang prayleng sinuklian niya ng tatlumpu’t anim na piso na nagsabing ang sinumang mamatay at magsusuot nito ay maliligtas sa apoy ng impiyerno. Handa itong ipagkaloob na ni Kapitan Tinong sa kaibigang matalik na hindi man lamang niya nadalaw noong may karamdaman pa ngunit tumutol ang isang sastre sapagkat anya’y nakasuot ito ng prak nang makita ng mga mongha. Tutal daw ay may isa siyang nakalaan na, na maibibigay niya nang mura pa ng apat na piso kaysa damit-pransiskano sapagkat ayaw na niyang pagtubuan pa ang isang dating suki noong nabubuhay pa. Subalit ang lahat ng ito’y di-sinang-ayunan ni Pari Irene at nagsabing ang Diyos ay hindi tumutingin sa damit kayat ang anumang dati niyang mga trahe ay yama na.
Tatlong prayle ang nagtulung-tulong sa mga ritwal ng libing na totoong napakaringal at katangi-tangi. Napakaraming sinunog na kamanyang, mga awit sa wikang Latin, mga agua bendita at sa koro ay umawit pa si Pari Irene sa tinig na pahumal at masama sa tainga sa saliw ng mga nakabibinging plegarya.
Ang dating katunggali ni Kapitan Tiago sa pagka-masambahin at sa pagreregalo sa mga santo, si Don Patrocinio ay lubhang nainggit sa kapalarang sinapit ng dating kalaban at sa karangalang ipinagkaloob dito ngayon, kayat hinangad na mamatay na rin sana siya kinabukasan at lalaluan pa niya ang mga exequias na ito at parang nakikini-kinita niya ang paghanga at papuring ipagkakaloob sa kanya ng madla.
Kabanata XXX
SI JULI
Madaling nakarating sa San Diego ang tungkol sa pagkamatay ni Kapitan Tiago at ang pagkakabilanggo ni Basilio ngunit waring higit na mainit ang usap-usapan hinggil sa naging kapalaran ni Basilio at sa maaaring mangyaring kapahamakan pa nito kaysa sa napabalitang maringal na libing ni Kapitan Tiago.
Sa Tiami, iba-ibang palagay ang naipahahayag sa kung ano ang maaaring maging kaparusahan kay Basilio. Ang pinakamaliit na kuru-kuro ay ang paniwalang pihadong ito’y ipatatapon ngunit sa paglalakbay pa lamang ay ipapapatay na. May nagsasabing baka ito’y bitayin katulad ng nangyari sa tatlong pari sa Cavite. Ang hukom-pamayapa ay nagpahayag ng paninisi sa binata na para bagang ito’y napayuhan na niya. Si Hermana Penchang lamang ang naniniwalang parusa ito ng Diyos sa binata. Diumano’y hindi raw kasi sumasawak ito ng agua bendita sa simbahan kapag nakitang marumi dahil may mikrobyong magdadala ng iba’t ibang sakit. Hindi niya matanggap na ang agua benditang nakapagpagaling sa ilan niyang karamdaman ay maging tagapagdala ng mga sakit. Ipinagpasalamat pa nga raw niya at napaalis niya agad si Juli sa kanila at kung hindi’y maaaring ikasama pa iyon ng loob ngmga prayle sa kanya. Ngunit ang katotohanan ay tunay na dinamdam ni Hermana Penchang ang pagkakatubos ni Basilio sa kasintahan. Nawalan siya ng isang magdarasal at mag-aayuno para sa kanya, balak pa naman sana niyang pagpenitensiyahin ang dalaga kung nagtagal-tagal pa ito sa kanyang poder. Kung si Kristo ay namatay dahil sa pagtubos sa sala ng tao ay bakit nga raw ba di-magagawa ni Juli iyon para sa kanya.
Samantala, kinailangan pang ulit-ulitin at sumumpa si Hermana Bali bago tuluyang nasakyan ng nalito at labis na nagulumihanang si Juli ang balita tungkol sa kasintahan. At nang ganap na maunawaan ang mga pangyayari ay nakaramdam ng panghihina, putlang-putla at sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang bahay ay nawalan ng malay-tao. Salamat sa mga kurot, hampas at wisik ng bendita ni Hermana Bali ay pinagsulan ito ng ulirat. Parang bukal sa pagbalong ang luha sa mata ng dalaga dahil sa malaking habag kay Basilio. Sino pa nga ba ang kakalinga rito ngayong pati si Kapitan Tiago ay namatay na rin batid niya na sa Pilipinas ay kailangan ang padrino sa maraming bagay lalo na sa pagtatamo ng katarungan. At sa dahilang diumano’y malaki ang kinalaman niya at ng amang nanulisan na ay naisip niyang siya naman ngayon ang dapat magligtas sa binata matapos na siya’y tubusin nito sa pagka-alila.
Ang mga taga-San Diego ay hindi naniniwala na maaaring kasangkot nga si Basilio sa sinasabing mga nakitang paskil sapgkat kilala nila ang pagiging tahimik at maingat nito. kayat napanibulos sila sa haka-hakang ito’y kagagawan ng mga prayle dahil sa ginawa niyang pagtubos kay Juli na anak ng isang tulisang kaaway ng pamahalaan at lalo pa nga ng mga korporasyon ng mga prayle dahil sa ginawa nitong pakikipag-asunto at pagpaslang sa isang prayle. Dahil sa paniniwala ni Juli na tanging siya na lamang ang pag-asa ng kasintahan ay nagunita niya ang isang taong masaring makatulong sa kanya, ngunit napangagat-labi siya sapagkat malakas ang kanyang kutob na maaaring magbunga ito nang hindi maganda para sa kanya.
Si Pari Camorra ay minsan na niyang nahingan ng tulong nang ang kanyang Ingkong Selo ay dakpin ng mga sibil na pagbabakasakaling dahil doo’y lumitaw ang anak na si Kabesang Tales. Si Pari Camorra ang gumawa ng paraan upang ito’y mapalya ngunit nagpahayag ito na hindi sapat ang pasasalamat ng dalaga. Humihingi ito ng isang kabayarang katumbas ng pagkapariwara ni Juli. Mula noon ay iniwasan na ng dalaga ang pari ngunit kung nakakasalubong niya ay pinahahalik siya ng kamay, hinihipo siya sa ilong at sa pisngi at pagkatapos ay bibiruing may kasamang kindat at mga kurot. Ilang binatang nananapatan sa mga dalaga sa nayon ang minsa’y binugbog ng paring ito. Marami ang nakababatid sa pagnanasa ni Pari Camorra sa kasariwaan ni Juli kayat ang ilang malabiga ay nagpaparinig kung nagdaraan ang tungung-tungong dalaga, na kung nanaisin lang daw nito, kahit na si Kabesang Tales ay maaaring magkamit ng kapatawaran.
Mula noon ay parang nawala sa sarili si Juli, nawala nang tuluyan ang mga ngiti sa labi, ang kasayahan at ang napalit ay ang animo’y laging pag-iisip nang malalim, ang pagsasawalangkibo at nitong huli’y pati ang dating maayos na pananamit ay nahalinhan ng kapabayaan. Minsan ay nagtanong ito kay Hermana Bali kung totoong sa impiyerno ang tungo ng kaluluwa ng isang nagpapakamatay. Mabilis sa sinang-ayunan ito ng matanda at inilarawan pa ang lugar na animo’y nakapanggaling na siya roon.
Ang ilang mga dukhang kamag-anak at mga napagaling ni Basilio ay nag-ambag-ambagan lamang ng mahigit na tatlumpong piso kayat si Hermana Bali ay nagmungkahing humingi ng payo sa kawani.marami na raw itong natulungan sa maliit na halaga lamang kayat pinakiusapan ni Juli ang matanda na ito na ang lumapit matapos magpadala ng kaunting halaga at ilang pindang na usa na napangaso ni Ingkong Selo. Subalit sang-ayon sa kawani ay walang magagawa ang kanyang impluwensiya sapagkat ito’y naganap sa Maynila. Ipinayong lumapit sila sa hukom-pamayapa na kasama si Juli. Ang hukom-pamayapa naman ay matamang pinakinggan ang mga ipinahayag ni Hermana Bali ngunit paminsan-minsa’y sumusulyap sa nakatungo at kiming-kiming dalaga ngunit pagkatapos ay winikang iisa lamang ang maaaring makapagligtas kay Basilio, si Pari Camorra at ito’y kung iibigin ni Juli, at tiningnang may kahulugan ito. Malungkot na nagpaalam ang dalawa ngunit nabigo si Hermana Bali na pumaroon sila sa kumbento. Matigas ang pasiya ni Juli na huwag lumapit sa pari sapgkat batid na niya ang magiging kapalit niyon. Umuwing masama ang loob ng matanda matapos ng isang mahabang sermong ibinigay sa dalaga.
Sa kanyang pag-iisa ay nagtatalo ang kalooban ng dalaga. Paano niya magagawa ang isang pagpapakasakit alang-alang kay Basilio nang hindi siya masusumbatan ng Diyos at ng tao. Kung noon ay sinasabi sa kanya na kung papayag siya sa nais ni Pari Camorra ay mapatatawad ang kanyang ama ngunit gayon man ay hindi siya pumayag, ano’t ngayon ay gagawin niya iyon nang dahil lamang sa isang kasintahan? Diyatat hindi niya nagawa sa isang magulang na pinagkakautangan niya ng buhay at ngayo’y susuungin niya dahil kay Basilio? Ang lahat ay aalipusta sa kanya at mabuti pa ang siya’y magpatiwakal na kaysa masumbatang isang walang-utang na loob na anak.
Nagsawalang-kibo si Juli sa paninisi ng mga kamag-anak nang matalos ng mga ito na ayaw ni Juling lumapit sa prayle. Hindi kasi batid ngmga ito ang masamang hangarin ng pari sa dalaga. Sino ba raw siya para pansinin ng prayle gayong higit na maraming magaganda na’y mayayaman pa. Isa lang daw siyang taga-bukid at paano raw kung malapit nang barilin si Basilio? Nang gabing iyon ay alumpihit ang dalaga sa pagkakahiga at nang makalimot ay dinalaw naman ng masamang panaginip. Hinahabol daw ang kanyang ama ng mga kaaway nito ngunit ayaw daw niyang tulungan. Humahalili sa larawan ng ama ang anyo ni Basilio na nag-aagaw-buhay na raw at ang mga matang naninisi ay nakatuon sa kanya. Nagising siyang basang-basa ng pawis at humihingal sa takot. Tumindig ang kapuspalad na dalaga at luhaang nagdasal. Marahil kung hindi lamang hatinggabi noon ay nagtatakbo na siya sa kumbento atmaganap na ang magaganap.
Ngunit dahil niya kay Pari Camorra at sa pagpapahalaga niya sa kapurihan, nakailang araw na’y hindi pa rin siya kumikilos. Kinatakutan tuloy niya ang pagsapit ng gabi dahil sa masamang panaginip na malimit dumalaw sa kanya. Samantala’y patuloy siyang nakikibalita sa mga nangyayari sa Maynila. Ilang bilanggo na raw ang pinalaya dahil sa mga padrino at ayon sa isang nanggaling sa Maynila, ang pinakahuli raw balita ay napaklawalan nang lahat ang mga estudyante maliban na lamang daw kay Basilio. Ito raw ay ipatataopon sa Carlolinas at nakita pa raw ng nagbabalita ang bapor na pagsasakyan ka Basilio. Sapat na ang balitang iyon at ang tulirong isipan ni Juli na kung ilang gabi nang di-napagkatulog ay matuling nagtungo kina Hermana Bali at sa tinig ng animo’y hindi sa kanya ay nagsabing siya’y nakalaan nang magtungo sa kumbento at kung maaaring siya’y samahan lamang ng matanda.
Nag-ayos pa mandin ang dalaga at nang magsimula silang lumakad ay naiinip pa ito sa bagal ni Hermana Bali ngunit habang nalalapit sila sa bayan ay unti-unting nandalang ang mga hakbang at nitong huli’y kinakailangan pang madiin sa paglakad. Tungung-tungo na ito at nag-aakalang siya’y tampulang ng tingin ng balana. Nang makita na ang kumbento ay biglang huminto at nanginig at nagyayang bumalik na sila sa nayon. Hinatak siya sa bisig ng matanda at pinagpaliwanagan ngunit ng nasa may pintuan na sila ng kumbento ay muling nagmatigas ang dalaga at humawak nang buong higpit sa pader.
“Huwag mahabag kayo kayo sa akin, mahabag kayo!”
“Hangal, anong ikatatakot mo samantalang narito naman ako. Maaari bang gumawa nang di mabuti ang prayle sa harap ko. tayo na!”
Ngunit lalong humigpit ng dalaga sa pader kayat masama ang loob ng matanda nang mangusap.
“Sige, umuwi na tayo kung ganyang matigas ang iyong ulo,” hayaan mong ipatapon na si Basilio, pabayaan mo siyang barilin at saka ka magsisisi kung patay na siya. Maano ba sa akin, wala akong utang na loob sa kanya, wala akong utang na loob sa kanya, walang maisusumbat sa akin.”
Pinaram ng mga sinabing ito ng matanda ang huling hibla ng pagtutol ni Juli. Matapos humugot ng isang malalim na buntung-hiningang animo’y sa isang naghihingalo ay pikit-mata nang pumasok sa loob ng kumbento, kasunod si Hermana Bali.
Nang gabing iyon ay pinag-usapan ng bayan, sa marahang tinig ang nangyari nang hapong yaon. Isang babae ang tumalon sa bintana ng kumbento at noo’y namatay din nang bumagsak sa mga bato. Isa pang babae ang animo’y baliw na lumabas sa kumbento na nagsisigaw at nagtititili. Walang makapaglakas-loob na bumanggit ng mga pangalan sa takot na mapahamak. Nang dumilim-dilim na’y isang matandang lalaking galing sa nayon ang kumatok sa pinto ng kumbento at nang walang magbukas ay nagsusuntok at iniumpog ang ulo sa pinto at waring may isinisigaw na hindi mawatasan kung ungol o taghoy. Kinailangan pang siya’y paluin at ipagtulakan para lamang umalis. Sa gayon ay ipinasiyang puntahan ang gobernadorcillo, ngunit wala raw at nasa kumbento. Gayon din ang naging kasagutan sa kanya nang puntahan ang hukom-pamayapa, ang tininti Mayor at ang tenyente ng guwardiya sibil. Animo’y batang lumuluhang nagbalik sa nayon ang matanda at sa buong magdamag ay narinig ng marami ang kanyang ungol at nguyngoy. Nang gabi ring iyon, mahigit na pitong prayle mula sa mga bayang kalapit ang nakitang nagpupulong sa kumbento.
Kinabukasan, si Tandang Selo ay hindi na nagisnan sa nayon, ito’y umalis na, dala ang kanyang tandos sa pangangaso.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home