Thursday, November 09, 2006

Mga Katanungan Kab. 31 at 32

Kabanata 31
1. Bakit kaya hindi inilathala sa pahayagan ang mga totoong nagaganap sa paligid? Ipaliwanag
2. Ano ang dahilan kung bakit si Isagani ang huling nakalabasa sa kulungan? Ipaliwanag
3. Tungkol saan ang pinag-usapan ng Mataas na Kawani at ng Kapitan Heneral? Ipaliwanag
4. Bakit ang Mataas na kawani ay nagbitiw sa kanyang tungkulin at aalis papuntang Espanya?

Kabanata 32
1. Anu-ano ang ibinubunga ng paskin sa mga estudyante? Isa-isahin
2. Ano ang dahilan kung bakit ayaw ng magpapigil ang kapitan Heneral sa pag-alis sa Pilipinas? Ipaliwanag
3. Anu ang dahilan kung bakit iba ang pinakasalan ni Paulita at hindi si Isagani? Ipaliwanag


Prepare for a long quiz next week. Goodluck!!!!
Sir Nits

El Filibusterismo Kab. 31-32

EL FILIBUSTERISMO

Kabanata XXXI

ANG MATAAS NA KAWANIAlign Center

Ang mga pahayagan sa Maynila ay walang mababasa kundi ang mga patayang naganap sa Europa, ang pagbibigay-puri sa mga may mataas na katungkulan, ang tagumpay na inaani ng Operetang-Pranses. Hindi tuloy magkaroon ng puwang sa mga pahina nito ang tungkol sa pamimiyapis ng mga tulisan sa pamumuno ng mabangis na si Matanlawin sa mga bayan-bayan at lalawigan maliban na lamang kung ang nabibiktima ay kastila o kasangkot ang kumbento. Dahil dito, ni katiting na balita tungkol sa nangyari sa Tiani ay walang nabanggit o kung may ibang nakaalam ay sapat na ang mga bulung-bulungang walang puno’t dulo. Ang tanging maliwang ay balita tungkol sa pagkakalipat ni Pari Camorra ng ibang parokya.

Dahil sa mga regalo, malalaking halaga at pagsasakit ng mga kaanak, ang mga estudyanteng nakabilanggo ay nangakalaya na. Tulad ng maaasahan, kauna-unahang nakalabas si Macaraig at ang huli’y si Isagani sapagkat naka-isang linggo pa bago nakarating ng Maynila ang tiyuhing si Pari Florentino. Ang tanging naiwan ay ang kahabag-habag na si Basilio sa sakdal na pag-iingat ng mga bawal na aklat. May isang nakapagbulong sa Kapitan na upang maligtas sa kahihiyan ang pamahalaan ay kailangang may maiwang kahit isa at ang isang iyan ay ang alila ni Kapitan Tiyago na tiyak na walang maghahabol.

Alila at estudyante, kung gayo’y tamang iyan na nga ang maiwan,” sang-ayon ng Kapitan Heneral.

Ipagpaumanhin po sana ninyo ang aking pagsagot,” di nakatiis na wika ng mataas na kawani na noo'y’kaharap sa usapan. “Ang binata pong iyan ay magtatapos na ng medisina at labis ang papuri ng kanyang mga guro. Sayang po naman sapagkat sa taong ito’y magtatapos na siya.”

Maganda at makatuwiran ang layunin ng mataas na kawani para sa kapakanan ni Basilio ngunit waring ito’y makasasama pa sa halip ma makabuti. Sila ng Kapitan Heneral ay may lihim na samaan ng loob at nakasilip dito ng pagkakataon ang Kapitan Heneral na makaganti. Huli na nang maunawaan ito ng mataas na kawani ngnaging dahilan upang pangatawanan na ang pagtatanggol sa binata.

Magtatapos na pala, kung gayo’y lalong dapat mabilanggo pa at nang hindi pamarisan.”

Subalit dapat po ninyong mabatid na siya ang higit na walang kasalanan sa mga ibinilanggo,” giit ng mataas na kawani sa tinig na may kapakumbabaan.

Ngunit nahulihan siya ng mga aklat,” kaylo ng kalihim.

Totoo, ngunit mga aklat tungkol sa panggagamot at ilang aklat na galing sa España ngunit hindi pa naman nababasa. Ni hindi siya dumalo sa pansiterya at hindi nakikialam sa kilusan ng mga estudyante.”

Kaya nga lalong matuwid na siya’y ipiit upang maging halimbawa sa ilang magtatangka pa. Kaibigan, ganyan ang pamamahala; kailangang ipagpakasakit ang ilan para sa kagalingan ng marami,” pangangatuwiran ng Kapitan Heneral.

Ngunit hindi kaya kayo natatakot? Paano ang inyong pananagutan?”

Karapatan kong gawin ang aking maibigan para sa kapakanan ng bayang ito. Ano ang ikakatakot ko. Maisasakdal ba ako ng isang alila lamang? Hawak ko ang lahat ng kapangyarihan at ang tanging sinusunod ko ay ang aking budhi. Wala akong pakialam sa wiwikain ng kahit sino.”

Paano po ang bayan?”

Ang bayan? bakit siya ba ang humirang sa akin? Ano ang tatanawin ko sa kanya?”

Ang Inang Espanya ang humirang sa inyo at dahil dito ay higit na dapat ninyong pagmalasakitan ang bansang ito upang di-mapulaan ang ating sariling bayan. Nang kayo’y hirangin ay sumumpa kayo na ipagkakaloob dito ang katarungan at kabutihan.”

Hindi ba iyan ang aking ginagawa? Sino kayong mangangaral sa akin, hindi ko kayo pinipilita makihati sa aking pananagutan.”

At hindi naman po ninyo ako mapipilit na makibahagi sa inyong pananagutan sapagkat iba ang aking pananaw sa aking pananagutan. Opo, magsasalita na ako ngayon pagkatapos ng mahabang panahon kong pananahimik sapgkat ayaw kong matulad sa isang aliping walang karapatan ni karangalan. Ang bansang ito na may walong angaw na masunurin at mapagtiis na mamamayan ay ayaw kong mawalay sa ating Inang Espanya ngunit hindi ko rin masisikmurang sila’y pagsamantalahan. Ang Espanya’y hindi kailangang maniil, higit siyang darakila kung tunay na tutulong at kakalinga. Ako ma’y kastila rin ngunit namamaibabaw dito ang aking pagkatao at bago ang Espanya ay ang katarungan muna. Hindi n’yo nga ito mauunawaan sapagkat ang nauuna sa isip ninyo ay ang mga pansarili ninyong kagalingan. Balewala sa inyo kung ang inyong kababayan ay magsamantala, pumatay at mandambong, huwag lamang mawalan ng mga pag-aari. Hindi ako mangingiming magsalita, ikagalit man ninyo sapagkat ayaw kong dumating ang panahong masumbatan ang ating bansang Espanya na ina ng mga mangangamkam at maniniil, sa gayo’y para naring nilait ang ating mga unang hari sa kabila ng mararangal nilang adhikain para sa bayang ito. Noo’y nangako tayo na magkakaloob sa kanila ng kabihasnan, karunungan, liwanag, katarungan at kagandahang-asal ngunit pawang kabaligtaran nito ang ating ibinigay sa kanila.”

Sandaling tumigil sa masigabong pagsasalita ang mataas na kawani samantalang nababaghang nakatingin lamang ang di-makakibong Kapitan Heneral. Nagpatuloy ito sa paghahayag:

Kung tayo kaya ang nasa kalagayan ng mga Pilipino, ano kaya ang ating iisipin at gagawin? Magugunita marahil natin ang tungkol sa paghihimagsik katulad ng natitiyak kong balang-araw ay kanilang isasagawa at sila’y kakampihan ng mga taong may karangalan at ng mga bansang may pagmamahal sa katarungan. Kung ang isang bayan ay pagkakaitan ng kanyang kalayaan at kaligayahan, karapatan niyang ituring na magnanakaw ang nag-alis ng mga iyon. Totoo na ako’y hindi isang militar at matanda na at wala na ang dating init ng aking dugo ngunit ito lamang ang nais kong bigyan-diin sa inyo; papanigan ko ang mga Pilipinong inyong sinisiil at handa akong mamatay sa pagtatanggol ng mga niyuyurakang karapatan kaysa mabuhay at magtagumpay sa piling ng mga ganid na walang nasa kundi ang sariling kabutihan, sabihin pa ngang ito’y para sa Espanya.”

Kailan ba ang tulak ng bapor na pabalik sa Espanya?” marahang tanong ng Kapitan Heneral.

Ganap na naunawaan ng mataas na kawani ang tinurang ito kayat tinitigan lamang niya ang pinuno at yuko ang ulong umalis nang walang paalam. Bago sumakay sa kanyang karuwahe ay may sinabi ito sa kutsero na nagbukas ng pintuan, na hindi naman naunawaan nito ang ibig sabihin.

Kung sa darating na panahon ay nakapagkamit na kayo ng ganap na kasarinlan, huwag ninyo lamang kalilimutan na sa Espanya ay may mga taong kaisa ninyo ng damdamin at nakipaglaban para sa inyong mga karapatan.”

Pagkalipas lamang ng dalawang oras, ang mataas na kawani ay nagharap ng kanyang pagbibitiw sa katungkulan at ipinaalam ang pagbabalik niya sa Espanya sakay ng unang bapor na tutulak.



EL FILIBUSTERISMO

Kabanata XXXII

ANG IBINUNGA NG MGA PASKIN

Ang pagkabilanggo ng ilang mga estudyante ay nagkaroon ng iba’t ibang resulta sa buhay ng halos lahat ng mga nagsisipag-aral sa unubersidad. Maraming ina ang nagpauwi na sa kani-kanilang mga anak upang harapin na lamang ang pagbubukid o pagsasayang ng panahon. Matapos ang pagsusulit marami ang nalagpak at bihira lamang ang nakapasa sa mga kasapi sa kapisanang itinatag ngmga estudyante. Kabilang sa mga di-nakalusot sina Pecson, Tadeo at Juanito Pelaez. Si Pecso’y di-alintana ang pagkakalagpak at sinabing papasok na lamang siyang opisyal sa hukuman. Sa tuwa naman ni Tadeo dahil sa wala nang katapusang bakasyon ay gumawa ng isang siga at sinunog ang kanyang mga aklat. Ang tanging di-nasiyahan ay si Juanito sapgkat matatali na siya sa kanilang tindahan. Si Macaraig, dahil sa kanyang salapi ay nakakuha ng pasaporte at agad lumulan sa isang barkong patungong Europa. Tanging sina Isagani at Sandoval ang maluwalhating nakapasa sa magkakasama. Si Isagani ay tanging sa asignatura ni Pari Fernanadez nakapasa at lumagpak sa iba samantalang si Sandival ay nakapanlinlang ng tribunal dahil sa husay niyang magtalumpati.

Ang kahabag-habag na si Basilio ay nanatili sa bilangguan at tuwing ikatlong araw ay isinasailalim sa mga pagtatanong. Ang tanging dumadalaw sa kanya ay si Sinong na kutsero na siya ring nagbalita ng nangyari kay Juli at sa pagkawala ni Tandang Selo.

Samantala, napabalita sa mga pahayagan na magaling na si Simoun at diumano’y magdaraos ito ng isang pistang marangya bilang pasasalamat sa kanyang paggaling at pamamaalam na rin. Sasabay na raw ito sa pag-alis ng Kapitan Heneral na ngayon lamang tumutol sa mungkahi ni Simoun na humingi pa ng palugit sa panunungkulan. Mula noon ay malimit ding makita ang mayamang mag-aalahas sa tindahan ni Don Timoteo Pelaez na hininalang kasosyo na nito sa pangangalakal. Pagkalipas ng ilang linggo mga dakong Abril ay kumalat angbalitang ang anak ni Timoteo na si Juanito ay ikakasal kay Paulita Gomez. Labis na kinaiinggitan ng marami ang di sukat-akalaing mga suwerteng dumating sa buhay ni Don Timoteo lalo na ang pagkakapunta rito ng bahay ni Kapitan Tiago nang halos walang ibinayad at ang pagkakasama kay Simoun.

Totoo ang balitang ikakasal si Paulita Gomez kay Juanito Pelaez. Buhat nang kusang isuko ni Isagani ang sarili sa pamahalaang sibil at ang pagkakabilanggo nito ay nakapawi sa lahat ng kanyang pang-akit sa kasintahan. Nadagdagan pa ito ng pangungutya ni Juanito at pagsasabing walang matalinong tao na nakakatulad niya na kusang susuong sa panganib para lamang sa ngalan ng pakikisama samantalang ang iba’y nagtatago na nga sa kaayawang mapasangkot. Nag-isip nanag mataman si Paulita. Ano nga ba ang kinabukasan niya sa piling ng isang lalaking ang alam na pangarap ay mga kagubatan at kabundukang maraming linta at walang karangyaang kinasanayan niya. Ito’y isa lamang Indiyo at may malabong pinagmulan bukod pa sa may isang amaing pari na nahuhulaan niyang kaaway din ng karangyaan. Samantala, si Juanito ay may dugong kastila, mayaman, masaya at maliksi, at iisa ang pananaw nila sa buhay at uri ng lipunang ninanais galawan. Kayat isang araw ay nagpasiya ang dalaga na nabulagan lamang siya kay Isagani. Si Juanito ang higit na karapat-dapat sa kanya.

Nakaraan ang panahon ngmahal at wala namang malaking pangyayaring naganap maliban sa pagpapagiba sa mga bahay na yari sa pawid. Nang magtatapos na ang Abril ay nalimot na halos ang naganap sapagkat ang napagtutuunan naman ng usap-usapan ay ang tungkol sa napakaringal na kasal nina Paulita at Juanito. Ang magiging ninong ay ang Kapitan Heneral na aalis na pagkalipas ng dalawang araw pagkatapos ng kasalan. Ang namamahala raw ay ang bantog na si Simoun na ayon baliya ay magsasabog ng mga brilyante at perlas sa anak ng kanyang kasosyo. Ito raw ay isang uri ng piging na hindi malilimutan ng lahat. Nagulo ang kamaynilaan at nagsimulang mangamba na baka hindi sila maanyayahan. Nag-una-unahan sila sa pakikipagkaibigan kay Simoun at bagamat hindi kailangan, marami ang bumili ng mga bakal at yero kay Don Timoteo upang mapalapit at maging kaibigan nito at tuloy maanyayahan sa kasal ng anak nito.


Tuesday, November 07, 2006

Mga Katanungan El Fili Kab. 29 & 30

Kabanata 29

1. Bakit gusto na rin ni Don Patrocinio na mamatay? Ipaliwanag
2. Bakit si Pari Irene ang hinirang ni K. Tiago na maging tagapangasiwa ng kanyang mga ari-arian? Ipaliwanag
3. Magbigay ng 4 na usap-usapan sa pagkamatay ni K. Tiago

Kabanta 30

1. Ano ang unang pagkakataon na humingi ng tulong si Juli kay P. Camorra? Ipaliwanag
2. Ano ang nagtulak kay Juli kung bakit napilitang humingi uli ng tulong siya kay P. Camorra? Ipaliwanag
3. Sa palagay mo, ano kaya ang nangyari kay Juli kung bakit siya tumalon sa itaas ng kumbento? Ipaliwanag


Prepare for our quiz next week from chapter 25 to 34.
Sir Nits

El Fili Kabanata 29 & 30

EL FILIBUSTERISMO

Kabanata XXIX

MGA HULING SALITA TUNGKOL KAY KAPITAN TIAGO

Napakaringal ng libing ni Kapitan Tiago at bagamat ipinagunita ng kura kay Pari Irene na namatay itong di-nakapangumpisal ay nagkibit-balikat lamang ito at winikang:

Maano, ang mga paghihigpit ay para roon sa mga walang ibabayad lamang ngunit si Kapitan Tiago, aba naman kayo . . . kung iyon ngang Intsik na di-bininyagan ay may misa de requiem pa, si Kapitan Tiago pa ba ang mahuhuli at mapababayaan?”

Si Pari Irene ang hinirang ni Kapitan Tiago na maging tagapagpatupad ng kanyang mga huling habilin. Ang isang bahagi ng kanyang kayamanan ay ipinagkakaloob sa Sta. Clara, ang isang bahagi’y sa Papa, sa Arsobispo at sa mga korporasyon, at dahil daw sa mungkahi ni Pari Irene na lubhang mapagkawanggawa sa mga masisipag na batang mag-aaral ay nagpalaan siya ng dalawampung piso para sa matrikula ng mga batang ito na mahihirap lamang. Ang halagang dalawumpu’t limang pisong nakatakda sanang mamana ni Basilio ay pinawalang-bisa ni Pari Irene dahil sa masamang inasal daw nitong mga huling araw at sa dakong huli ay naisip ng pari na makabubuting ibulsa na lamang niya kaysa kung saan pa ito mapatungo.

Sa kanyang bahay ibinurol ang mga labi ni Kapita Tiago at nagdagsaan ang mga dati niyang kaibigan, kakilala at hindi man. Pinag-uusapan nila ang isang napabalitang pagpapakita ng kaluluwa ng namatay sa mga mongha noong kasalukuyang naghihingalo pa ito. Ligid daw ng maningning na liwanag ang kapitan. Pinaniwalaang iniligtas ng Diyos ang kanyang kaluluwa dahil sa dami ng mga misang patungkol sa kanya at sa pagkakaloob niya ng kanyang kayamanan sa lapakanan ng relihiyon. Ang sakristan mayor na kasama sa mga nag-uusap ay tango lamang nang tango bg pagsang-ayon at naisip na kung siya marahil ay mamamatay at muling magpapakita ay napipiho niyang mamamalas siyang may dalang isang tasa ng taho na paborito niyang almusal. Ang mga kaeskuwela sa sabungan ni Kapitan Tiago na nangaroon din ay pinag-uusapan kung hahamunin kaya ng Kapitan si San Pedro na pagsabungin ang kani-kanilang mga manok. May kamatayan daw kaya ang mga mnok doon at kung sakali, sino man ang magiging sentenciador, sino kaya ang matatalo at ang mananalo. Ngunit ang pilosopong si Don Primitivo ay nagsabing walang sinumang matatalo sapagkat ito’y nagdudulot ng samaan ng loob at sa langit ay hindi ipinahihintulot ang sama ng loob. Dito tumutol ang bantog na sabungerong si Martin Aristorenes.

Aba, walang kuwentong paglalaban iyan kung walang talo at walang panalo, nasa bagay naiyan ang ikinasasarap ng labanan.”

Kaibigang Martin, mapaparusahan ka sa impiyerno sapagkat hindi ka naniniwala sa kapangyarihan ng Diyos. Kayat tandaan mong mula ngayon ay hindi na ako makikipag-monte sa iyo ni makikipagbakas sa anumang huwego,” pangwakas na sabi ni Don Primitivo sa namutla namang kausap.

Sa ibang pangkat, angpinag-uusapan naman ay ang tungkol sa kung anong damit ang ipasusuot sa libing ni Kapitan Tiago. Iminungkahi ni Kapitan Tinong na damit-pransiskano ang ipasuot dahil mayroon siyang isang luma na’t tagpi-tagpi pa na kaloob ng isang prayleng sinuklian niya ng tatlumpu’t anim na piso na nagsabing ang sinumang mamatay at magsusuot nito ay maliligtas sa apoy ng impiyerno. Handa itong ipagkaloob na ni Kapitan Tinong sa kaibigang matalik na hindi man lamang niya nadalaw noong may karamdaman pa ngunit tumutol ang isang sastre sapagkat anya’y nakasuot ito ng prak nang makita ng mga mongha. Tutal daw ay may isa siyang nakalaan na, na maibibigay niya nang mura pa ng apat na piso kaysa damit-pransiskano sapagkat ayaw na niyang pagtubuan pa ang isang dating suki noong nabubuhay pa. Subalit ang lahat ng ito’y di-sinang-ayunan ni Pari Irene at nagsabing ang Diyos ay hindi tumutingin sa damit kayat ang anumang dati niyang mga trahe ay yama na.

Tatlong prayle ang nagtulung-tulong sa mga ritwal ng libing na totoong napakaringal at katangi-tangi. Napakaraming sinunog na kamanyang, mga awit sa wikang Latin, mga agua bendita at sa koro ay umawit pa si Pari Irene sa tinig na pahumal at masama sa tainga sa saliw ng mga nakabibinging plegarya.

Ang dating katunggali ni Kapitan Tiago sa pagka-masambahin at sa pagreregalo sa mga santo, si Don Patrocinio ay lubhang nainggit sa kapalarang sinapit ng dating kalaban at sa karangalang ipinagkaloob dito ngayon, kayat hinangad na mamatay na rin sana siya kinabukasan at lalaluan pa niya ang mga exequias na ito at parang nakikini-kinita niya ang paghanga at papuring ipagkakaloob sa kanya ng madla.


Kabanata XXX

SI JULI

Madaling nakarating sa San Diego ang tungkol sa pagkamatay ni Kapitan Tiago at ang pagkakabilanggo ni Basilio ngunit waring higit na mainit ang usap-usapan hinggil sa naging kapalaran ni Basilio at sa maaaring mangyaring kapahamakan pa nito kaysa sa napabalitang maringal na libing ni Kapitan Tiago.

Sa Tiami, iba-ibang palagay ang naipahahayag sa kung ano ang maaaring maging kaparusahan kay Basilio. Ang pinakamaliit na kuru-kuro ay ang paniwalang pihadong ito’y ipatatapon ngunit sa paglalakbay pa lamang ay ipapapatay na. May nagsasabing baka ito’y bitayin katulad ng nangyari sa tatlong pari sa Cavite. Ang hukom-pamayapa ay nagpahayag ng paninisi sa binata na para bagang ito’y napayuhan na niya. Si Hermana Penchang lamang ang naniniwalang parusa ito ng Diyos sa binata. Diumano’y hindi raw kasi sumasawak ito ng agua bendita sa simbahan kapag nakitang marumi dahil may mikrobyong magdadala ng iba’t ibang sakit. Hindi niya matanggap na ang agua benditang nakapagpagaling sa ilan niyang karamdaman ay maging tagapagdala ng mga sakit. Ipinagpasalamat pa nga raw niya at napaalis niya agad si Juli sa kanila at kung hindi’y maaaring ikasama pa iyon ng loob ngmga prayle sa kanya. Ngunit ang katotohanan ay tunay na dinamdam ni Hermana Penchang ang pagkakatubos ni Basilio sa kasintahan. Nawalan siya ng isang magdarasal at mag-aayuno para sa kanya, balak pa naman sana niyang pagpenitensiyahin ang dalaga kung nagtagal-tagal pa ito sa kanyang poder. Kung si Kristo ay namatay dahil sa pagtubos sa sala ng tao ay bakit nga raw ba di-magagawa ni Juli iyon para sa kanya.

Samantala, kinailangan pang ulit-ulitin at sumumpa si Hermana Bali bago tuluyang nasakyan ng nalito at labis na nagulumihanang si Juli ang balita tungkol sa kasintahan. At nang ganap na maunawaan ang mga pangyayari ay nakaramdam ng panghihina, putlang-putla at sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang bahay ay nawalan ng malay-tao. Salamat sa mga kurot, hampas at wisik ng bendita ni Hermana Bali ay pinagsulan ito ng ulirat. Parang bukal sa pagbalong ang luha sa mata ng dalaga dahil sa malaking habag kay Basilio. Sino pa nga ba ang kakalinga rito ngayong pati si Kapitan Tiago ay namatay na rin batid niya na sa Pilipinas ay kailangan ang padrino sa maraming bagay lalo na sa pagtatamo ng katarungan. At sa dahilang diumano’y malaki ang kinalaman niya at ng amang nanulisan na ay naisip niyang siya naman ngayon ang dapat magligtas sa binata matapos na siya’y tubusin nito sa pagka-alila.

Ang mga taga-San Diego ay hindi naniniwala na maaaring kasangkot nga si Basilio sa sinasabing mga nakitang paskil sapgkat kilala nila ang pagiging tahimik at maingat nito. kayat napanibulos sila sa haka-hakang ito’y kagagawan ng mga prayle dahil sa ginawa niyang pagtubos kay Juli na anak ng isang tulisang kaaway ng pamahalaan at lalo pa nga ng mga korporasyon ng mga prayle dahil sa ginawa nitong pakikipag-asunto at pagpaslang sa isang prayle. Dahil sa paniniwala ni Juli na tanging siya na lamang ang pag-asa ng kasintahan ay nagunita niya ang isang taong masaring makatulong sa kanya, ngunit napangagat-labi siya sapagkat malakas ang kanyang kutob na maaaring magbunga ito nang hindi maganda para sa kanya.

Si Pari Camorra ay minsan na niyang nahingan ng tulong nang ang kanyang Ingkong Selo ay dakpin ng mga sibil na pagbabakasakaling dahil doo’y lumitaw ang anak na si Kabesang Tales. Si Pari Camorra ang gumawa ng paraan upang ito’y mapalya ngunit nagpahayag ito na hindi sapat ang pasasalamat ng dalaga. Humihingi ito ng isang kabayarang katumbas ng pagkapariwara ni Juli. Mula noon ay iniwasan na ng dalaga ang pari ngunit kung nakakasalubong niya ay pinahahalik siya ng kamay, hinihipo siya sa ilong at sa pisngi at pagkatapos ay bibiruing may kasamang kindat at mga kurot. Ilang binatang nananapatan sa mga dalaga sa nayon ang minsa’y binugbog ng paring ito. Marami ang nakababatid sa pagnanasa ni Pari Camorra sa kasariwaan ni Juli kayat ang ilang malabiga ay nagpaparinig kung nagdaraan ang tungung-tungong dalaga, na kung nanaisin lang daw nito, kahit na si Kabesang Tales ay maaaring magkamit ng kapatawaran.

Mula noon ay parang nawala sa sarili si Juli, nawala nang tuluyan ang mga ngiti sa labi, ang kasayahan at ang napalit ay ang animo’y laging pag-iisip nang malalim, ang pagsasawalangkibo at nitong huli’y pati ang dating maayos na pananamit ay nahalinhan ng kapabayaan. Minsan ay nagtanong ito kay Hermana Bali kung totoong sa impiyerno ang tungo ng kaluluwa ng isang nagpapakamatay. Mabilis sa sinang-ayunan ito ng matanda at inilarawan pa ang lugar na animo’y nakapanggaling na siya roon.

Ang ilang mga dukhang kamag-anak at mga napagaling ni Basilio ay nag-ambag-ambagan lamang ng mahigit na tatlumpong piso kayat si Hermana Bali ay nagmungkahing humingi ng payo sa kawani.marami na raw itong natulungan sa maliit na halaga lamang kayat pinakiusapan ni Juli ang matanda na ito na ang lumapit matapos magpadala ng kaunting halaga at ilang pindang na usa na napangaso ni Ingkong Selo. Subalit sang-ayon sa kawani ay walang magagawa ang kanyang impluwensiya sapagkat ito’y naganap sa Maynila. Ipinayong lumapit sila sa hukom-pamayapa na kasama si Juli. Ang hukom-pamayapa naman ay matamang pinakinggan ang mga ipinahayag ni Hermana Bali ngunit paminsan-minsa’y sumusulyap sa nakatungo at kiming-kiming dalaga ngunit pagkatapos ay winikang iisa lamang ang maaaring makapagligtas kay Basilio, si Pari Camorra at ito’y kung iibigin ni Juli, at tiningnang may kahulugan ito. Malungkot na nagpaalam ang dalawa ngunit nabigo si Hermana Bali na pumaroon sila sa kumbento. Matigas ang pasiya ni Juli na huwag lumapit sa pari sapgkat batid na niya ang magiging kapalit niyon. Umuwing masama ang loob ng matanda matapos ng isang mahabang sermong ibinigay sa dalaga.

Sa kanyang pag-iisa ay nagtatalo ang kalooban ng dalaga. Paano niya magagawa ang isang pagpapakasakit alang-alang kay Basilio nang hindi siya masusumbatan ng Diyos at ng tao. Kung noon ay sinasabi sa kanya na kung papayag siya sa nais ni Pari Camorra ay mapatatawad ang kanyang ama ngunit gayon man ay hindi siya pumayag, ano’t ngayon ay gagawin niya iyon nang dahil lamang sa isang kasintahan? Diyatat hindi niya nagawa sa isang magulang na pinagkakautangan niya ng buhay at ngayo’y susuungin niya dahil kay Basilio? Ang lahat ay aalipusta sa kanya at mabuti pa ang siya’y magpatiwakal na kaysa masumbatang isang walang-utang na loob na anak.

Nagsawalang-kibo si Juli sa paninisi ng mga kamag-anak nang matalos ng mga ito na ayaw ni Juling lumapit sa prayle. Hindi kasi batid ngmga ito ang masamang hangarin ng pari sa dalaga. Sino ba raw siya para pansinin ng prayle gayong higit na maraming magaganda na’y mayayaman pa. Isa lang daw siyang taga-bukid at paano raw kung malapit nang barilin si Basilio? Nang gabing iyon ay alumpihit ang dalaga sa pagkakahiga at nang makalimot ay dinalaw naman ng masamang panaginip. Hinahabol daw ang kanyang ama ng mga kaaway nito ngunit ayaw daw niyang tulungan. Humahalili sa larawan ng ama ang anyo ni Basilio na nag-aagaw-buhay na raw at ang mga matang naninisi ay nakatuon sa kanya. Nagising siyang basang-basa ng pawis at humihingal sa takot. Tumindig ang kapuspalad na dalaga at luhaang nagdasal. Marahil kung hindi lamang hatinggabi noon ay nagtatakbo na siya sa kumbento atmaganap na ang magaganap.

Ngunit dahil niya kay Pari Camorra at sa pagpapahalaga niya sa kapurihan, nakailang araw na’y hindi pa rin siya kumikilos. Kinatakutan tuloy niya ang pagsapit ng gabi dahil sa masamang panaginip na malimit dumalaw sa kanya. Samantala’y patuloy siyang nakikibalita sa mga nangyayari sa Maynila. Ilang bilanggo na raw ang pinalaya dahil sa mga padrino at ayon sa isang nanggaling sa Maynila, ang pinakahuli raw balita ay napaklawalan nang lahat ang mga estudyante maliban na lamang daw kay Basilio. Ito raw ay ipatataopon sa Carlolinas at nakita pa raw ng nagbabalita ang bapor na pagsasakyan ka Basilio. Sapat na ang balitang iyon at ang tulirong isipan ni Juli na kung ilang gabi nang di-napagkatulog ay matuling nagtungo kina Hermana Bali at sa tinig ng animo’y hindi sa kanya ay nagsabing siya’y nakalaan nang magtungo sa kumbento at kung maaaring siya’y samahan lamang ng matanda.

Nag-ayos pa mandin ang dalaga at nang magsimula silang lumakad ay naiinip pa ito sa bagal ni Hermana Bali ngunit habang nalalapit sila sa bayan ay unti-unting nandalang ang mga hakbang at nitong huli’y kinakailangan pang madiin sa paglakad. Tungung-tungo na ito at nag-aakalang siya’y tampulang ng tingin ng balana. Nang makita na ang kumbento ay biglang huminto at nanginig at nagyayang bumalik na sila sa nayon. Hinatak siya sa bisig ng matanda at pinagpaliwanagan ngunit ng nasa may pintuan na sila ng kumbento ay muling nagmatigas ang dalaga at humawak nang buong higpit sa pader.

Huwag mahabag kayo kayo sa akin, mahabag kayo!”

Hangal, anong ikatatakot mo samantalang narito naman ako. Maaari bang gumawa nang di mabuti ang prayle sa harap ko. tayo na!”

Ngunit lalong humigpit ng dalaga sa pader kayat masama ang loob ng matanda nang mangusap.

Sige, umuwi na tayo kung ganyang matigas ang iyong ulo,” hayaan mong ipatapon na si Basilio, pabayaan mo siyang barilin at saka ka magsisisi kung patay na siya. Maano ba sa akin, wala akong utang na loob sa kanya, wala akong utang na loob sa kanya, walang maisusumbat sa akin.”

Pinaram ng mga sinabing ito ng matanda ang huling hibla ng pagtutol ni Juli. Matapos humugot ng isang malalim na buntung-hiningang animo’y sa isang naghihingalo ay pikit-mata nang pumasok sa loob ng kumbento, kasunod si Hermana Bali.

Nang gabing iyon ay pinag-usapan ng bayan, sa marahang tinig ang nangyari nang hapong yaon. Isang babae ang tumalon sa bintana ng kumbento at noo’y namatay din nang bumagsak sa mga bato. Isa pang babae ang animo’y baliw na lumabas sa kumbento na nagsisigaw at nagtititili. Walang makapaglakas-loob na bumanggit ng mga pangalan sa takot na mapahamak. Nang dumilim-dilim na’y isang matandang lalaking galing sa nayon ang kumatok sa pinto ng kumbento at nang walang magbukas ay nagsusuntok at iniumpog ang ulo sa pinto at waring may isinisigaw na hindi mawatasan kung ungol o taghoy. Kinailangan pang siya’y paluin at ipagtulakan para lamang umalis. Sa gayon ay ipinasiyang puntahan ang gobernadorcillo, ngunit wala raw at nasa kumbento. Gayon din ang naging kasagutan sa kanya nang puntahan ang hukom-pamayapa, ang tininti Mayor at ang tenyente ng guwardiya sibil. Animo’y batang lumuluhang nagbalik sa nayon ang matanda at sa buong magdamag ay narinig ng marami ang kanyang ungol at nguyngoy. Nang gabi ring iyon, mahigit na pitong prayle mula sa mga bayang kalapit ang nakitang nagpupulong sa kumbento.

Kinabukasan, si Tandang Selo ay hindi na nagisnan sa nayon, ito’y umalis na, dala ang kanyang tandos sa pangangaso.

Sunday, November 05, 2006

Mga Katanungan El Fili Kab. 27-28

El Fili Kabanata 27
1. Paano ginamit ni Isagani ang eskultor bilang paghahalimbawa niya kay Pari Fernandez? Ipaliwanag
2. Bakit nasibi ni P. Fernandez na naiinggit siya sa mga Heswita? Ipaliwanag


El Fili Kabanata 28
1. Anu-ano ang mga kinatatakutan ang binanggit sa kabanta? Pag-isa-isahin

Thursday, November 02, 2006

Mga Katanungan Kabanata 25-26 ng El Fili

Kabanata 25.
1. Bakit gusto nila na Si Basilio ang gustong imbitahan sa halip na si Juanito?
2. Makatwiran kaya si Sandoval sa kanyang talumpati? Ipaliwanag

Kabanata 26
1. Ano ang dahilan kung bakit pinagdadakip ang mga estudyante?
2. Sino kaya ang may pakana sa nasabing kaguluhan at idinamay si Basilio? Ipaliwanag

Wednesday, November 01, 2006

Mga Tauhan ng Noli Me Tangere

Mga Tauhan:
Crisostomo Ibarra
Binatang nag-aral sa Europa; nangarap na makapagpatayo ng paaralan upang matiyak ang magandang kinabukasan ng mga kabataan ng San Diego.
Elias
Piloto at magsasakang tumulong kay Ibarra para makilala ang kanyang bayan at ang mga suliranin nito.
Kapitan Tiyago
Mangangalakal na tiga-Binondo; ama-amahan ni Maria Clara.
Padre Damaso
Isang kurang Pransiskano na napalipat ng ibang parokya matapos maglingkod ng matagal na panahon sa San Diego.
Padre Salvi
Kurang pumalit kay Padre Damaso, nagkaroon ng lihim na pagtatangi kay Maria Clara.
Maria Clara
Mayuming kasintahan ni Crisostomo; mutya ng San Diego na inihimatong anak ng kanyang ina na si Doña Pia Alba kay Padre Damaso
Pilosopo Tasyo
Maalam na matandang tagapayo ng marurunong na mamamayan ng San Diego.
Sisa
Isang masintahing ina na ang tanging kasalanan ay ang pagkakaroon ng asawang pabaya at malupit.
Basilio at Crispin
Magkapatid na anak ni Sisa; sakristan at tagatugtog ng kampana sa simbahan ng San Diego.
Alperes
Matalik na kaagaw ng kura sa kapangyarihan sa San Diego.
Donya Victorina
Babaing nagpapanggap na mestisang Kastila kung kaya abut-abot ang kolorete sa mukha at maling pangangastila.
Donya Consolacion
Napangasawa ng alperes; dating labandera na may malaswang bibig at pag-uugali.
Don Tiburcio de Espadaña
Isang pilay at bungal na Kastilang napadpad sa Pilipinas sa paghahanap ng magandang kapalaran; napangasawa ni Donya Victorina.
Linares
Malayong pamangkin ni Don Tiburcio at pinsan ng inaanak ni Padre Damaso na napili niya para mapangasawa ni Maria Clara.
Don Filipo
Tinyente mayor na mahilig magbasa na Latin; ama ni SinangSeñor Nol JuanNamahala ng mga gawain sa pagpapatayo ng paaralan.
Lucas
Taong madilaw na gumawa ng kalong ginamit sa di-natuloy na pagpatay kay Ibarra.
Tarsilo at Bruno
Magkapatid na ang ama ay napatay sa palo ng mga Kastila.
Tiya Isabel
Hipag ni Kapitan Tiago na tumulong sa pagpapalaki kay Maria Clara.
Donya Pia
Masimbahing ina ni Maria Clara na namatay matapos na kaagad na siya'y maisilang.
Iday, Sinang, Victoria,at Andeng
Mga kaibigan ni Maria Clara sa San Diego
Kapitan-Heneral
Pinakamakapangyarihan sa Pilipinas; lumakad na maalisan ng pagka-ekskomunyon si Ibarra.
Don Rafael Ibarra
Ama ni Crisostomo; nakainggitan nang labis ni Padre Damaso dahilan sa yaman kung kaya nataguriang erehe.
Don Saturnino
Nuno ni Crisostomo; naging dahilan ng kasawian ng nuno ni Elias.
Mang Pablo
Pinuno ng mga tulisan na ibig tulungan ni Elias.
Kapitan Basilio
Ilan sa mga kapitan ng bayan sa San Diego
Kapitan Tinong at Kapitan Valentin
Tinyente Guevarra
Isang matapat na tinyente ng mga guwardiya sibil na nagsalaysay kay Ibarra ng tungkol sa kasawiang sinapit ng kanyang ama.
Kapitana Maria
Tanging babaing makabayan na pumapanig sa pagtatanggol ni Ibarra sa alaala ng ama.
Padre Sibyla
Paring Agustino na lihim na sumusubaybay sa mga kilos ni Ibarra.
Albino
Dating seminarista na nakasama sa piknik sa lawa.

El Fili Kab. 27-28

Kabanata XXVII
ANG PRAYLE AT ANG PILIPINO


Sa gitna ng masigabo at malakas na pagsasalita ni Isagani sa kanyang mga kaibigan sa unibersidad, ay may lumapit sa kanya at nagsabing ipinatatawag siya ni Padre Fernandez, isa niyang propesor at ang tanging prayleng kanyang itinatangi at iginagalang.
Naghihintay sa kanyang sulid si Padre Fernandez na noo’y malungkot at waring nag-iisip. Tumayo ito at kinamayan si Isagani nang ito’y pumasok. Matapos isara ang pinto ay nagpalakad-lakad sa harap ng naghihintay na binata.
“G. Isagani, kanina’y narinig ko kayong nagsasalita. Ako’y nalulugod sa mga kabataang may sariling isip at maalam magpahayag ng sariling damadamin kahimat ang mga ito’y katumbalikan ng sarili kong kuro at palagay. Huwag kayong magkaila, isa kayo sa mga nasa pging kagabi?”
“Totoo po at walang dahilan upang ito’y aking ikaila.”
“Magaling, samakatwid ay matatayuan ninyo kung ano man ang maging bunga ng inyong ginawa. Hindi ko kayo masisisi sa mga binitawan ninyong pananalita laban sa mga dominiko, karapatan ninyo iyan. Hindi kayo nagsimula sa amin at sa taong ito lamang kayo nag-aral dito. Ipinatawag ko kayo sapagkat bilang isa sa mga hinahangaan kong mag-aaral na may pagtitiwala sa sariling prinsipyo ay ninais kong tayo’y magkaliwanagan.”
Nanatiling nakatayo si Isagani bagamat inanyayahan siyang maupo ng prayle, hinihintay niya ang sasabihin pa nito.
“Sa mahigit na walong taon kong karanasan sa pagtuturo ay may mga dalawang libo at limandaang estudyante na ang dumaan sa akin at sinikap kong maturuan, ginabayan upang maging makatuwiran at marangal. Ngunit sa kabila nito’y nilalait kami sa talikuran ngunit ni minsa’y walang nagkalakas-loob na sumbatan kami sa harapan. Ano ang nararapat naming gawin sa mga tulad nila?”
“Hindi sila ang tanging may kasalanan, Padre. Higit ang pagkakasala ng mga nagturo sa kanila ng mapagbalat-kayong pag-uugali. Dito sa amin, ang anumang kuru-kuro mo na di kasang-ayon ng mga nasa kapangyarihan ay isa nang kasalanan. Mayroon po bang ulol na masabi lamang nang malakas ang iniisip ay magtitiis na usigin at maparusahan?”
“Anong pag-uusig at pagpaparusa? Sa aking klase ay malaya kayong makapang-usap. Kunsabagay, isa kayong estudyanteng natatangi.”
“Hindi pa natin dapat pagtalunan kung sino ang natatangi sapagkat kayo man ay tangi rin, makabubuting ilayo po natin sa bagay na ito ang ating pag-uusap.”
Namangha si Padre Fernandez, hindi niya sukat-akalaing may pagka-malaya pala ang binatang ito na higit kaysa kanyang inaakala. Sa pagkakataong iyon ay nawarian niyang ipinalagay ni Isagani na hindi nagkakalayo ang kanilang kalagayan.
“Kung gayon, ano ang nais ng mga estudyanteng Pilipino sa aming mga guro ninyo?”
“Ang kayo’y tumupad sa inyong tunay na tungkulin.”
“At ano ang tungkuling ito na nais ninyong tuparin namin?”
“Ang kami’y inyong hubugin sa lalong mabuting paraan, sa pangkaisipan at pangkatawan upang magkamit ng kaligayahan at makalikha ng isang bayang marangal, maunlad, matalino, mabait, dakila at tapat. Ang mga ito ba’y natupad ngmga prayle?”
“Tumutupad kami,” mabilis na pakli ng kausap.
“Totoo, kayo ay tumutupad ngunit ang mga kasamahan ninyo? Alam ninyo ang katotohanan, Padre, ayaw kong manugat ng damdamin lalo na ng isang iginagalang ko ngunit yaman din lamang na tayo’y nagpapaliwanagan ay makabubuting ipagpatuloy na po natin. Sa mga bayan-bayan, anong uri po ng pagtuturo ang kanilang isinasagawa? Hinahadlangan nila ang ikatututo ng mga bata, pinapatay nila ang ningas ngkasiglahan, hinahamak ang karangalan, at ang ipinupunla ay mga luma at lipas nang karunungan bukod pa ang mga inihahasik na mga maling simulaing kalaban ng pag-unlad. Ang katulad nila’y ang nananalo sa subasta sa pagpapakain sa mga bilanggo. Pagkakainin ang mga ito hindi upang lumusog kundi upang gawing isang hanapbuhay na mapagkakakitaan nang malaki.
“Napakabigat na paratang iyan, binata.”
“Hindi po, Padre. Sa akin pong tinutukoy ay di kayo kabilang, ngunit ang mga prayle po’y siyang tagapagpakain ng aming mga isipan ngunit ayaw po nila kaming bigyan ng sustansiya upang lumusog. Natatakot po sila na kung kami’y matututo ay hangarin naming lumaya. Ang pag-ayaw po nilang kami’y tumalino ang puno’t dulo ng aming di-kasiyahang-loob.”
“Ipinagkaloob lamang ang karunungan sa mga karapat-dapat sapagkat magiging kahalay-halay lamang kung maibibigay sa mga taong di malinis ang kalooban at masama ang asal.”
“Kung gayo’y ano’t walang mga taong may malinis na kalooban at mabuting asal?”
“Anong malay ko, maaaring iyo’y mga namanang kasiraan sa mga magulang at nuno o nagisnan na pamilya.”
“Nagkakamali po kayo, Padre o maaaring natatakot lamang kayo sa katotohanan ng mga pinaggagagawa ng inyong mga kapwa-prayle. Kung ano ay sapagkat kayo ang may kagagawan. Ang paniniil ay nakapagtuturo ng pagkukunwari, ang ipinagkakaloob ninyo’y kasinungalingan at lumilikha ng alipin ang inyong mga pagdarahas. Walang mabuting kaasalan? Kung ito’y totoo, diyata’t ang halos tatlong daa’t limampung taon ninyong pagtuturo sa amin ay walang nagawa? Kung iya’y sa isang eskultor, napakatunggak naman niya kung sa napakahabang panahon ay isang walang ayos na larawan lamang ang nalikha niya!”
“Baka masama ang putik na kanyang ginamit?”
“Kung gayo’y sa kabila pa siya ng katunggakan, sapagkat alam na pala niyang masama ay bakit di iwaksi ang putik at sa halip ay nagpatuloy pa sa pag-aaksaya ng panahon, at di lamang tunggak kundi magdaraya at magnanakaw pa dahil alam nang walang kabuluhan ang kanyang likha ay sige pa rin upang makatanggap lamang ng kabayaran at siya’y buhong pa rin spagkat ayaw bigyan-daan ang ibang eskultor upang sumubok ng kanilang magagawa.”
Napakatinding kasagutang lihim na nakapagpayanig kay Padre Fernandez. Tiningnan niya ang binata at nasinag niya rito ang isang kadakilaang di-madaraig at makapangyarihan. Ngayon lamang siya tinalo ng isang estudyante at nakaramdam ng pagsisisi kung bakit nahamon pa niya ito sa isang pakikipagtalo. Ngunit kailangan siyang makalusot sa kagipitang ito.
“Sa amin ninyo ibinabagsak ang lahat ng sisi, tulad kayo ng iba na napopoot sa humuhuling kawal ngunit hindi sa nag-uutos na hukom. Sa akala ninyo ba, kaming mga prayle ay walang budhi at hindi nagnanais ng kabutihan? Ngunit kami’y umaalinsunod lamang sa kung ano ang ipinag-uutos sa amin. Kayo ang magpalayas sa amin o kami’y palayasin ng pamahalaan?”
“Samakatwid po baga’y hangad ng pamahalaan ang aming ikasasama?”
“Hindi iyan ang nais kong sabihin ngunit dapat mong matanto na may mga kautusang may mabubuting layunin ngunit ang ibinubunga’y kapinsalaan, ngunit nalalayo tayo sa usapan. Ang masasabi ko ang mga kasiraang inyong binabanggit ay di dapat isisi sa amin ni sa pamahalaan, iyan ay nasa-wastong pagkakatatag ng aming kapisanan, na labis ang pagka-maingat at kakulangan sa kailangan at lampas sa kalabisan.”
“Kung tinatanggap ninyo ang kasiraang iyan ay bakit di ninyo palitan o dinggin kaya ang panig ng mga napipinala? Kapag ang mga prayle ay nagtago na sa likod ng pamahalaan ay ito na ang tutunguhin ng mga mag-aaral.”
“Ano bang talaga ang nais ninyong gawin namin para sa inyo?”
“Huwag ninyong hadlangan ang aming pagkakatuto at bagkus ay tumulong pa nga kayo.”
“Para ninyo nang hinihiling ang aming pagpapatiwakal.”
“Mali po kayo, ito’y isang paghiling na kami’y paraanin lamang upang huwag kayong masagasaan at madurog. Ang mga estudyante ninyo’y magbabago ng inaasal ngayon kung kayo ang magpapasimula ng pagpapakita ng malasakit sa kanila.”
“Hindi sila pinipilit na mag-aral, tutal maraming bukid na hindi natatamnan.”
“Katutubo pa ang hangarin ng tao na payabungin ang kanyang sarili, ang hanapin ang kanyang kagalingan at ang tungkol sa sinasabi ninyong mga bukid na hindi natatamnan, bakit po, hangad po ba ninyong manatili na lamang sa pagsasaka ang bayang ito?”
“Hindi, ngunit ang karunungan ay dapat doon lamang sa marunong mangalaga nito at sa kanyang karangalan. Isa pa’y kayo ang dapat mauna sa mga pagbabago at kami ang susunod yaman din lamang at kayo ang may pangangailangan.”
“Gayon nga marahil sapagkat kami ang palaging tampulan ng mga kasiraan, kaming ang hangarin lamang ay mapabuti ang aming kalagayan.”
“Isagani,” ani Padre Fernandez atiniabot ang kamay sa kausap, “inaasahan kong kapwa tayo may mapulot sa pag-uusap na ito. Ipaaabot ko sa aking mga kapatid ang inyong mga sinabi ngunit ang ikinatatakot ko lamang ay baka hindi sila maniwala na may isang katulad mo.”
“Iyan din po ang pangamba ko na baka ang aking mga kaibigan ay hindi maniwala na may isang tulad ninyo na nakiharap sa akin nang tulad nito.” wika ng binata na matapos makipagkamay sa prayle ay nagpaalam na.
Sinundan ngtanaw ni Padre Fernandez ang papalayong binata at narinig pa ang sinabi nito sa isang kakilalang nasalubong na nagtanong kung saan ito patutungo.
“Sa pamahalaang-sibil, titingnan ko ang mga paskil at makikisama ako sa mga naroroon na,” walang anumang pakli ni Isagani na hindi na pinansin ang nasindak na kausap na karakang tumalilis.
Labis na nahabag si Padre Fernandez sa kasasapitan ng binata at nangingilid ang luhang nasabing kinaiinggitan niya ang mga heswitang nagturo rito. ngunit siya’y nagkakamali sapagkat ang mga heswitang ito, nang mabatid ang mga pinagsasabi at ginawa ni Isagani ay nagalit sa binata, at winikang ikapapahamak pa nila ang paniniwala nito na hindi naman sila ang nagturo.
Tama ang mga heswita, hindi nga sa kanila galing ang mga pagkukuro ni Isagani, iyon ay buhat sa Diyos na ipinagkaloob sa kanya ng kalikasan.



Kabanata XXVIII
ANG KATATAKUTAN


Ang mga naganap sa pansiterya at ang mga paskil na nakita sa unibersidad ay nakapagbigay-katuwiran sa mga pahayag ni Ben Zayb na sa Pilipinas, ang pagpapaaral sa mga kabataan ay tunay na nakasasama sa halip na makabuti. Lalo niyang hinangaan ang sarili, ang tanging nag-iisip sa Pilipinas at nakahuhula ng maaaring maganap.
Ikinabahala ng marami ang tungkol sa mga diumano’y mga paskil na may mga nakasulat na masasama at natagpuan sa mga pinto ng unibersidad. Takot ang naghari sa lahat lalo na sa mga negosyanteng Intsik sa pangunguna ni Quiroga. Ang lalong nakapagpalala sa kanyang agam-agam ay ang pangyayaring ni silip ay hindi nagawa ng mga prayle sa kanyang tindahan gayong batid na may bagong dating na paninda. Pinagbilinan pa siya ng isang kaibigang may katungkulan na huwag magpapasok ng indiyong hindi niya kilala sa kanyang bahay-pasugalan. Binalak niyang makipagkita kay Simoun kayat matapos maihanda ang kanyang basar sa isang paraang madaling maisasara kung saka-sakali’t magkakagulo, ay nagpasama sa isang bataan sa bahay nito na malapit lamang naman sa kanya. Nais niyang banggitin dito na ito na ang napakagandang pagkakataon upang magamit ang mga baril at punlo na nasa kanyang bodega ayon sa parang sinabi sa kanya ni Simoun noon. Kung mailalagay ang mga ito sa bahay-bahay ay tamang-tama sa napipintong paghahalughog na maaaring isagawa dahil sa mga kaguluhang nagaganap. Parang nakikini-kinita na niya ang mahahamig na salapi sa mga taong lalapit sa kanila upang patulong sa suhol at multa na maaaring ipataw sa kanila.
Subalit si Simoun na ayaw makipagkita kahit kanino ay nagpasabi lamang na bayaan muna ang mga nasa bodega. Dahil dito’y ipinasiyang kay Don Custodio magtanong ng nararapat gawin sa kanyang tindahan ngunit ito ma’y hindi rin nakipag-usap sa kanya sa dahilang abala sa pag-iisip ng paraan ng pagtatanggol kung siya makukubkob ng kaaway. Nagunita niya si Ben Zayb at inisip na makipagkita rito tungkol sa mga nagaganap ngunit nang makitang ito ma’y nasasandatahang mabuti bukod pa sa mga rebolber na nakapatong sa hapag-sulatan ay karakang nagpaalam at nagdahilang sinamaan ng katawan.
Nang dakong hapon na, ang kumakalat nang balita ay tungkol sa ugnayan daw ng mga estudyante at ng mga tulisan sa bundok ng San Mateo. May mga paglusob na magaganap daw sa lungsod at ang mga barkong pandigma ng mga aleman na nakadaong sa may labas ng look ng Maynila ay nakahandang tumulong sa mga ito. Ibinilanggo raw ang ilang kabataang kunwa’y nag-aalok ng tulong sa Kapitan Heneral ngunit natuklasang sandatahan. Mabuti na lamang daw at hindi nakaharap ang mga ito ng Kapitan Heneral sapagkat noo’y abala sa pakikipagpulong sa mga prayleng isinugo ni Pari Salvi. Pinatunayan ni Pari Irene na totoo ang mga ito at diumano’y may nagmungkahi pa sa Kapitan Heneral na bigyan ng aral ang mga kabataang pilibusterong iyon.
“Barilin ang ilan at ipatapon ang iba at makikita ninyo, masusugpo na ang kanilang pagtatapang-tapangan.”
“Huwag naman,” tutol daw ng isang mahabagin, “sukat na ang pagalain mga batalyon ng kawal na nakakabayo na bunot ang mga sable, kasunod ang isang kanyon at ang bayang kimi at matatakutin ay makikita ninyong magsisipagtago at magsisipagkandado sa kani-kanilang tahanan.”
“Mali, ang dapat pa ngang gawin ay udyukan silang magsilabas at magpakabayani para kung magkagulo ay magkaroon ng katuwiran ang mga kawal na sila’y patahimikin sa isang parang –ubos-tindi.”
“Ang lalong magaling ay ideklara ang batas militar para sa anumang kaliit na kaligaligan ay maaaring pagdadakpin ang mga mayayaman at marurunong, at nang malinis ang bayan.”
Dumalaw nang hapon iyon kay Kapitan Tiago si Pari Irene. Isinalaysay niya rito ang mga gawa-gawang nakatatakot na pangyayari.
“Kung hindi dahil sa pagpapayo ko na magpakahinahon ang lahat ay umaagos na sana ang dugo sa mga lansangan. Kayo lamang kapitan ang inaalaala ko, sayang at ngayon pa nagkasakit si Simoun.”
Lalong naglubha si Kapitan Tiago nang dakpin si Basilio at magkaroon ng paghahalughog sa kanyang tahanan. Atngayo’y lalo pang dinaragdagan ni Pari Irene ang kanyang nerbiyos sa pamamagitan ng mga salysay na nakapangingilabot. Nakaramdam ng matinding panginginig angmaysakit, unti-unting nangatal hanggang hindi na makapagsalita. Nagdidilat ang mga mata, pinagpapawisang mabuti at nagtangkang bumangon kayat napahawak sa bisig ni Pari Irene, datapwat matapos umungol nang makawala’y biglang bumagsak na dilat na dilat ang mga mata at sumasago ang laway. Patay na! Napatakbo sa takot si Pari Irene ngunit sa dahilang nakakapit pa ang isang kamay ni Kapitan Tiago sa kanya ay nakaladkad pa niya ang katawan nito hanggang sa gitna ng silid bago siya sindak na sindak na nakatakas.
Samantala, dahil sa isang binyagan na may sabuyan ng pera sa may pinto ng simbahan, ay nagkaroon ng kaunting kaguluhan dahil sa pag-aagawan ng mga bata. Nagkataong may dumaraang isang militar na sa pagkagulat ay nag-akalang may mga pilibustero na, kung kayat binunot ang sable at kung hindi nagkasala-salabid ay napugutan sana ng ulo ang mga naroroon. May mga nag-akalang may mga lumusob na kung kayat nangagtakbuhan at nagsipagsara ng kani-kanilang mga bahay at tindahan.
Sa isang lugar naman ay may hinabol ang mga tao na dalawang di-kilalang lalaki na nagbaon ng armas sa silong ng isang bahay. Binugbog nila ang mga ito ngunit ang nakitang ibinaon ay matandang baril na makasusugat pa sa sinumang magtatangkang gumamit noon.
Sa may Ermita naman ay nabaril ang isang beterano na inakala ng isang kawani na estudyante. Isa pa ring matandang bingi ang napatay naman sa Dulumbayan nang di nito marinig ang pagsino ng isang bantay. Sa kamaynilaan. Sa isang tindahan ng matamis na malapit sa unibersidad ay pinag-uusapan ang mga nahuling estudyante.
“Si Tadeo ay hinuli rin at balita ko’y nabaril na.”
“Susmaryosep,” wika ngmay-ari ng tindahan, “paano pa ngayon mababayaran ang utang niya sa akin?”
“Mag-ingat ng pagsasalita, Ginang, baka kayo mapaghinalaang kaalam. Pati nga aklat na ipinahiram niya sa akin ay sinunog ko na. Ang luku-luko’y si Isagani, sukat ba namang magprisinta pa gayong hindi naman siya hinuhuli.”
“Hindi bale at wala siyang utang sa akin, ngunit paano na si Paulita Gomez?”
“Iiyak marahil sandali at pagkatapos ay maghahanap ng ibang mapapangasawa.”
Naging napakalungkot ng gabing iyon. Maaga pa’y wala na halos laman ang mga lansangan maliban sa mga tanod at kawal na nangakabayo. Ang lahat ng mga nasa tahanan ay walang tigil sa pagdarasal. Subalit sa platerya na pinangangaserahan ni Placido ay pinag-uusapan nang may kaunting laya ang mga nagaganap.
“Ang mga paskil na iyan ay napipiho kong kagagawan ni Pari Salvi,” ang wika ng isang manggagawang payat.
“Mag-ingat, baka tayo’y minamanmanan,” paalaala ng platero.
“Ang may kagagawan ay ang intsik na si Quiroga,” pakli ng isa pang manggagawa, “narinig ko iyan sa tanggapan.”
“Upang maipuslit na papasok ang mga pisong Mehikano na nakadaong na sa laot ay gumawa ng lalang na iyan para sa pagkakagulo ay maipasok dito ang mga kaha ng salapi matapos magsuhol sa ilan.”
Nakarinig sila ng mga yabag na papalapit kayat dagli nilang iniba ang usapan. Ang mga dumating ay sina Placido at may kasamang matatandaang isa sa mga lihim na inuutusan ni Simoun. Humingi sila ngbalita kay Placido.
“Mat mga tatlumpu silang nahuli ngunit ni isa’y wala akong nakausap.”
“Magkakaroon daw ng maramihang pagpugot ng ulo, magsipaghanda kayo,” wika ng kasama ni Placido.
Nanginig sa takot ang lahat at lalong sinasal ng ubo ang platero.
“Kung tayo’y pagpapatayin din lamang,” patuloy ng kasama ni Placido, “ay makabubuti marahil kung tayo man ay lumaban na rin.”
Nag-uwian na ang mga manggagawa ngunit matapos kumuha ng magagawang sandata at isang pangako na kailangang ipagtanggol ang kanyang sarili at kaanak. Umalis muli sina Placido at ang kasama. Kinaumagahan, sa paglalakad ni Ben Zayb ay nakatagpo sa may Luneta ng isang bangkay ng dalagitang indiya na sa malas ay ginahasa at saka pinatay. Ngunit ang natuklasang ito ay hindi niya inilathala sa pahayagan nang mabatid na kagagawan ng mga civil na kastila.

Monday, October 30, 2006

El Fili Kab. 25-26


Kabanata XXV
TAWANAN AT IYAKAN
Bilang pag-alinsunod sa mungkahi ni Pari Irene na ipagdiwang nila angkanilang “tagumpay” tungkol sa akademya ng wikang kastila, ang labing-apat na estudyanteng pinaghalong mga kastila at Pilipino ay inukupahan ang buong Panciteria Macanista de Buen Gusto upang doon idaos ang isang dakilang piging. Nagpadagdag sila ng mga ilaw at sa isang panig ng dingding, katabi ng mga palamuting-intsik, ay ikinabit ang isang paskin na ang nakasulat ay:
“Luwalhati kay Custodio dahil sa kanyang katusuhan at pansit sa lupa para sa mga binatang may mabubuting kalooban.”
Masisigla ang kanilang tawanan at pagbibiruan ngunit nababakas din ang itinatagong kalungkutan at kabiguan at di-iilan ang kinapansinan ng kislap ng mga luha sa mata. Sa gitna ng bulwagan na may mga nakabiting pulang parol ay may apat na hapag na bilog na inayos na parang kuwadrado. Matamang sinusuri ni Sandoval ang mga kakaning nasa hapag gayundin ang mga halaga. Ang iba’y nag-uusap ng tungkol sa Operetang-Pranses, ang mga artistang gumanap at sa diumano’y ang mahiwagang pagkakasakit ni Simoun na natagpuan daw na may sugat sa lansangan. Sang-ayon naman kay Tadeo, may nakapagbalita sa kanya na si Simoun ay sinaktan ng isang kung sino dahil sa paghihiganti at ang hindi malamang dahilan ng pagsasawalangkibo ng mag-aalahas ng tungkol sa nangyari sa kanya. Napunta ang usapan sa mga ginagawa ng mga prayle sa bayan-bayang kinatatalagahan. Dumating si Isagani, kasunod ang dalawang intsik na hubad-baro at may dalang dalawang malalaking bandehado ng mga nakakatakam na ulam na naaamoy na ng lahat. Masaya ang binata at ang hinihintay na lamang ang mga laging huling si Juanito Pelaez.
“Sana’y si Basilio ang ating inanyayahan sa halip na si Juanito,” ang wika ni Tadeo, “disin sana’y may matutuklasan pa tayong lihim kapag siya’y ating nilasing.”
“May lihim ba si Basilio?”
“At mahahalagang lihim pa nga, tulad halimbawa ng mga batang nawala, ang mongha.”
“Mga ginoo,” putol ni Macaraig, “isang natatanging sopas ang pansit lanlang na napakaraming halo, at ang mga buto ng manok na ito’y ihandog kay Don Custodio.”
Masayang halakhakan ang naging tugon sa pagbibiro ni Macaraig.
“Mayroon pa tayong tatlong ulam. Para kanino ang lumpiyang-intsik na yari sa laman ng baboy?”
“Para kay Pari Irene, ngunit dapat ay alisin muna ang ilong.”
“At ang tortang alimango ay ipatungkol sa mga prayle, tatawagin itong tortang prayle.”
“Para sa pamahalaan at sa bayan, ihandog natin ang pansit gisado.”
“Ang pansit ay sa mga Intsik daw o sa mga Hapon ngunit ito’y di kilala sa mga bayan nila kayat lumalagay na ito’y sa Pilipinas mula ngunit inaangkin ng mga dayuhan at sila ang nakikinabang, tulad na tulad ng pamahalaan sa Pilipinas,” sandaling tumigila si Macaraig. “Lahat ay nabubuhay at binubuhay ng bayang ito ngunit pagkatapos ay walang pinakamasama kundi siya rin.”
“Huwag kayong lubhang maingay,” putol ng isa, “alalahanin ninyong ang mga dingding ay may pandinig at maaaring ngayon pa lang ay may mga lihim nang nagmamanman sa atin.”
Hinihiling ni Macaraig si Tadeo na magtalumpati at waring mapapasubo sa pagkakataong ito, mabilis na kumilos ang utak nito habang humihigop ng sabaw ng sotanghon. Nagunita ang isang talumpating natutuhan sa klase at ito ay sinimulang bigkasin ngunit karaka siyang hinadlangan ni Sandoval. Nagpatuloy siya at salamat sa pagdating ng ilan pang putahe at nakaligtas siya sa kagipitan. Nang ihain ang torta ay si Pecson naman ang nagsalita ng tungkol sa mga prayle at sa kanilang mga katakawan. Sumigaw ng “Mabuhay” ang lahat ngunit tumayo si Isagani at winikang huwag lahatin sapagkat may isang prayle siyang itinatangi at iginagalang. Sumunod na nagsalita si Sandoval.
“Mga kapatid, makinig kayong lahat sa akin. Sandali nating lingunin ang ating kamusmusan, suriin ang kasalukuyan at tanungin angkinabukasan. Ang mga prayle ay naging bahagi na ng ating buhay buhat sa ating pagsilang. Hindi ba’t sila ang nagbinyag, nagkumpil at unang nagpakilala sa atin sa isang Diyos? Sa kanya natin ibinubulong ang ating mga lihim, inaakay nila tayo sa kabuhayan at kabanalan. Sila ang mga gurong nagtuturo at nagbubukas ng ating mga puso hanggang sa matutuhan nating umibig. Ang prayle rin ang magkakasal sa inyo at sa inyong paghihingalo ay nariyan din siya sa iyong tabi at hindi ka iiwan hanggat di ka namamatay. Ngunit hindi lamang hanggang diyan ang ginagawa nila para sa atin. ipinaglalaban nila ang bangkay mo’y maidaan muna at mabendisyunan sa simbahan. Isipin mo kung sila’y mawawala sa atin. hindi ba’t dahil sa kanila ay dumarami at bumubuti ang ating lahi? Paano pa tayo magkakaisa-isa sa ating kalagayan, paano na ang mga korea at kalmen, ano pa ang gagawin ng ating mga kababaihan? Kung wala ang mga misa, nobena at prusisyon, paano ninyo mapaparami ang mga sugalang mapaglilibangan nila upang hindi mabagot at mainip sa bahay? Alisin ninyo angmga prayle at mawawala na ang kabayanihan, mawawala na ang mga indiyo. Kung aalisin sila sa Pilipinas ano ang mangyayari sa pamahalaan sa kamay ng mga Intsik?”
“Kakain ng tortang alimango,” agaw ni Isagani na nayamot sa mahabang talumpati.
“Tumpak, kumain na tayo at tama na ang mga talumpati,” sang-ayon ng lahat.
Tumayo ang isang estudyante upang tumungo sa loob nang matagalan ang mga serbidor na Intsik sa paglalabas ng iba pang putahe, ngunit karaka itong nagbalik at humudyat nang palihim.
“May nagmamanman sa atin, nakita ko ang paborito ni Pari Sibyla. Nang makita ako’y dagling umalis na nagmamadali.”
Lumapit sila sa may bintana at sa may liwasan ay nakita nila ang isang lalaking patingin-tingin sa paligid at pagkatapos ay sumakay na kasama ng isa pang di nila kilala sa isang karwaheng nasa tabi ng bangketa na hindi nakaila sa kanila na pag-aari ni Simoun.
“Aha,” wika ni Macaraig, “walang iba kundi ang alipin ng ‘Vice-Rectos’” na pinaglilingkuran ng panginoon ng Heneral.”


Kabanata XXVI
MGA PASKIN

Maagang-maagang nagbangon si Basilio upang dalawin ang kanyang mga pasyente sa ospital at pagkatapos ay tutungo sa unibersidad upang ayusin ang tungkol sa kanyang pagtatapos. Balak niyang makipagkita rin kay Macaraig upang manghiram ng halagang pampuno sa gagastusin niya sa pagtatapos sapagkat ang malaking bahagi ng kanyang naiipon ay naipantubos niya kay Juli at sa bahay na titirhan nito at ng kanyang Ingkong Selo. Nangangamba siyang lumapit kay Kapitan Tiago at baka akalaing nagpapauna na siya sa ipinangangako nitong ipamamana sa kanya.
Nakarating siya sa San Juan de Dios na nasa malalim na pag-iisip at hindi tuloy napansin ang mga estudyanteng waring lahat ay pauwi buhat sa paaralang tila nakasara. Nang tanungin ng kanyang kaibigan ang tungkol sa paghihimagsik ay saka siya parang natauhan at nakaramdam ng labis na takot. Nagunita niya ang mga sinabi sakanya ni Simoun kagabi. Ibinalita ng kanyang kausap na ito’y natuklasan at ang mga nahuling kasangkot ay pawang mga estudyante. Lumayo sa mga nag-uusap ngunit nakasalubong ang isa niyang propesor sa clinic na pumigil sa kanyang pagmamadali.
“Nasa piging ka ba kagabi?”
“Este, sa dahilan pong masama ang lagay ni Kapitan Tiago at ako’y kailangang . . .”
“Mabuti kung gayon at hindi ka dumalo, ngunit hindi ba kasapi ka sa kapisanan ng mga estudyante?”
“Nagbigay lamang ako ng butaw,”
“Kung gayon ay dapat kang umuwi ngayon din at punitin ang lahat ng papel na maaaring magsangkot sa iyo.”
“Wala po akong sukat ipangamba tungkol diyan, ngunit si G. Simoun po kaya’y wala . . .”
“Sinugatan siya ng isang kung sino at salamat sa Diyos, hindi maaaring may kinalaman siya roon, ang mga estudyante ang nasasangkot dahil sa mga paskil na may masasamang sinasabi at sa unibersidad pa raw natagpuan. Ang Vice-Rector ang nagpatanggal at ipinadala sa pamahalaan.”
Naputol ang pag-uusap ng dalawa nang dumating ang propesor na mukhang sakristan at tiktik na tagasumbong ng Vice-Rector. Nang huminahon na ang loob ni Basilio ay ipinasiyang magtungo na sa unibersidad. Ang dating sigla ng mga estudyante ay wala at ang nahalili’y mga guwardiya sibil na nagpapauwi na sa mga ito. Nasalubong niya si Sandoval na waring naging bingi sa kanyang pagtawag. Nakita rin niya si Tadeo na masayang-masaya, ito ang kanyang tinanong.
“Tadeo, bakit, ano ba ang nangyari?”
“Napakabuti, biruin mong wala kaming pasok hanggang sa isang linggo at tayong mga kasapi sa kapisanan ay ibibilanggong lahat.” Di-maikaila ang kalakhan sa tinig nito.
“At ikinatutuwa mo pa ang bagay na iyan?”
“Di nga kasi, walang klase, walang klase,” at ito’y tumalikod na.
Sumunod na nasalubong ni Basilio ang namumutla at lalong nakubang si Juanito Pelaez. Isa siya sa pinakamasipag na matayo ang kapisanan at ngayo’y putos-pangamba sa maaaring maganap.
“Pelaez, ano ba talaga ang nangyari?”
“Aywan ko, wala akong nalalaman at hindi ba, Basilio na noon pa ma’y talagang sinasabi ko nang ito’y kalokohan lamang, saksi ka, hindi ba?”
“Ha aba’y . . . oo na nga, ngunit ano bang naganap?”
“Huwag mong kalilimutan na ako’y tutol na tutol at kay lamang nakilahok ay upang pagpaliwanagan kayo, tandaan mo iyan,” at ito’y matuling lumayo nang mamataan ang isang tanod.
Nang walang mapalang kasagutan sa mga tinanong, nagpatuloy na sa unibersidad si Basilio upang tingnan kung bukas ang tanggapan ng kalihim. Napansin niya ang mga kakatwang galaw ng mga manhik-manaog na militar, prayle, iba’t ibang ginoo, manananggol at mga doktor. Namataan niya ang kaibigang si Isagani na bagamat waring lito at namumutla ay nagsasalita nang malakas at waring di-nangangambang marinig ng lahat.
“Hindi ko kayo maunawaan, mga kasama, ano’t sa katiting na bagay na ito’y para kayong mga ibong nabulabog at mga bahag-buntot na magsisitakbo? Ngayon ba lamang magkakaroon ng mga kabataang mabibilanggo dahil sa paghahangad ng kalayaan?”
“Subalit sino kaya ang may kagagawan ng mga pasking iyon na diumano’y natagpuan?” galit na tanong ng isa.
“Hindi mahalaga iyan, sila ang dapat magsuri at umalam. Kung anuman ang nilalaman ng mga paskil na iyon, lalo na’t kung kaisa naman ng ating mga damdamin at layunin ay dapat pa ngang pasalamatan at marapat na samahan pa ng ating mga lagda ang kanyang mga isinulat. Ngunit kung ang mga ito’y laban sa tunay nating kalooban ay sadyang tumpak lamang na ating tutulan at kalabanin.”
Sa narinig na ito ni Basilio, bagamat malapit sa kanyang kalooban si Isagani ay iniwasan niyang makita siya nito at sa halip ay nagtuloy na sa bahay ni Macaraig. Sa malapit pa lamang ng tahanan nito ay nakapansin na siya ng mga bulung-bulungan at lihim na hudyatan ng mga kapitbahay. Sa pagpasok niya ng pintuan ay dalawang tanod ang sumalubong sa kanya at itinanong ang kanyang pakay. Bagamat nabigla ay hindi na nakaurong ang binata. Sinabi niyang hinahanap niya ang kaibigang si Macaraig, na noon nama’y papanaog na at masayang nakikipag-usap sa kabo na may nauunang alguacil. Sinabi ni Basiliong nais niyang makausap angkaibigan.
“Basilio, marangal kong kaibigan, ngayo’y naparito ka samantalang noo’y waring nilalayuan mo kami?”
Nagtanong ang kabo samantalang may isang talaang tinitingnan.
“Kayo ang taga-kalye Anloague at nag-aaral ng madisina? Mabuti at kayo na ang kusang naparito, kayo’y aming dinarakip,” wika ng kabong inakbayan pa si Basilio.
“Bakit po pati ako’y . . .”
“Huwag kang mag-alala, kaibigan,” masayang wika ni Macaraig. “Halina sa aking sasakyan at ibabalita ko sa iyo ang nangyari sa piging na dinaluhan namin kagabi.”
Inanyayahan din ng mayamang binata ang kabo at ang mga kasama nito na lumulan na rin. Sa bahay-pamahalaang sibil ang iniutos sa kutsero. Samantala’y di nag-aksaya ng panahon si Basilio at sinabi kay Macaraig ang tunay niyang sadya. Kinamayan siya nito at nagwika ng:
“Kaibigan, ang tulong ko’y maaasahan mo at sa iyong pagtatapos ay anyayahan natin ang mga ito,” at itinuro ang kabo at alguacil.