Thursday, November 09, 2006

El Filibusterismo Kab. 31-32

EL FILIBUSTERISMO

Kabanata XXXI

ANG MATAAS NA KAWANIAlign Center

Ang mga pahayagan sa Maynila ay walang mababasa kundi ang mga patayang naganap sa Europa, ang pagbibigay-puri sa mga may mataas na katungkulan, ang tagumpay na inaani ng Operetang-Pranses. Hindi tuloy magkaroon ng puwang sa mga pahina nito ang tungkol sa pamimiyapis ng mga tulisan sa pamumuno ng mabangis na si Matanlawin sa mga bayan-bayan at lalawigan maliban na lamang kung ang nabibiktima ay kastila o kasangkot ang kumbento. Dahil dito, ni katiting na balita tungkol sa nangyari sa Tiani ay walang nabanggit o kung may ibang nakaalam ay sapat na ang mga bulung-bulungang walang puno’t dulo. Ang tanging maliwang ay balita tungkol sa pagkakalipat ni Pari Camorra ng ibang parokya.

Dahil sa mga regalo, malalaking halaga at pagsasakit ng mga kaanak, ang mga estudyanteng nakabilanggo ay nangakalaya na. Tulad ng maaasahan, kauna-unahang nakalabas si Macaraig at ang huli’y si Isagani sapagkat naka-isang linggo pa bago nakarating ng Maynila ang tiyuhing si Pari Florentino. Ang tanging naiwan ay ang kahabag-habag na si Basilio sa sakdal na pag-iingat ng mga bawal na aklat. May isang nakapagbulong sa Kapitan na upang maligtas sa kahihiyan ang pamahalaan ay kailangang may maiwang kahit isa at ang isang iyan ay ang alila ni Kapitan Tiyago na tiyak na walang maghahabol.

Alila at estudyante, kung gayo’y tamang iyan na nga ang maiwan,” sang-ayon ng Kapitan Heneral.

Ipagpaumanhin po sana ninyo ang aking pagsagot,” di nakatiis na wika ng mataas na kawani na noo'y’kaharap sa usapan. “Ang binata pong iyan ay magtatapos na ng medisina at labis ang papuri ng kanyang mga guro. Sayang po naman sapagkat sa taong ito’y magtatapos na siya.”

Maganda at makatuwiran ang layunin ng mataas na kawani para sa kapakanan ni Basilio ngunit waring ito’y makasasama pa sa halip ma makabuti. Sila ng Kapitan Heneral ay may lihim na samaan ng loob at nakasilip dito ng pagkakataon ang Kapitan Heneral na makaganti. Huli na nang maunawaan ito ng mataas na kawani ngnaging dahilan upang pangatawanan na ang pagtatanggol sa binata.

Magtatapos na pala, kung gayo’y lalong dapat mabilanggo pa at nang hindi pamarisan.”

Subalit dapat po ninyong mabatid na siya ang higit na walang kasalanan sa mga ibinilanggo,” giit ng mataas na kawani sa tinig na may kapakumbabaan.

Ngunit nahulihan siya ng mga aklat,” kaylo ng kalihim.

Totoo, ngunit mga aklat tungkol sa panggagamot at ilang aklat na galing sa España ngunit hindi pa naman nababasa. Ni hindi siya dumalo sa pansiterya at hindi nakikialam sa kilusan ng mga estudyante.”

Kaya nga lalong matuwid na siya’y ipiit upang maging halimbawa sa ilang magtatangka pa. Kaibigan, ganyan ang pamamahala; kailangang ipagpakasakit ang ilan para sa kagalingan ng marami,” pangangatuwiran ng Kapitan Heneral.

Ngunit hindi kaya kayo natatakot? Paano ang inyong pananagutan?”

Karapatan kong gawin ang aking maibigan para sa kapakanan ng bayang ito. Ano ang ikakatakot ko. Maisasakdal ba ako ng isang alila lamang? Hawak ko ang lahat ng kapangyarihan at ang tanging sinusunod ko ay ang aking budhi. Wala akong pakialam sa wiwikain ng kahit sino.”

Paano po ang bayan?”

Ang bayan? bakit siya ba ang humirang sa akin? Ano ang tatanawin ko sa kanya?”

Ang Inang Espanya ang humirang sa inyo at dahil dito ay higit na dapat ninyong pagmalasakitan ang bansang ito upang di-mapulaan ang ating sariling bayan. Nang kayo’y hirangin ay sumumpa kayo na ipagkakaloob dito ang katarungan at kabutihan.”

Hindi ba iyan ang aking ginagawa? Sino kayong mangangaral sa akin, hindi ko kayo pinipilita makihati sa aking pananagutan.”

At hindi naman po ninyo ako mapipilit na makibahagi sa inyong pananagutan sapagkat iba ang aking pananaw sa aking pananagutan. Opo, magsasalita na ako ngayon pagkatapos ng mahabang panahon kong pananahimik sapgkat ayaw kong matulad sa isang aliping walang karapatan ni karangalan. Ang bansang ito na may walong angaw na masunurin at mapagtiis na mamamayan ay ayaw kong mawalay sa ating Inang Espanya ngunit hindi ko rin masisikmurang sila’y pagsamantalahan. Ang Espanya’y hindi kailangang maniil, higit siyang darakila kung tunay na tutulong at kakalinga. Ako ma’y kastila rin ngunit namamaibabaw dito ang aking pagkatao at bago ang Espanya ay ang katarungan muna. Hindi n’yo nga ito mauunawaan sapagkat ang nauuna sa isip ninyo ay ang mga pansarili ninyong kagalingan. Balewala sa inyo kung ang inyong kababayan ay magsamantala, pumatay at mandambong, huwag lamang mawalan ng mga pag-aari. Hindi ako mangingiming magsalita, ikagalit man ninyo sapagkat ayaw kong dumating ang panahong masumbatan ang ating bansang Espanya na ina ng mga mangangamkam at maniniil, sa gayo’y para naring nilait ang ating mga unang hari sa kabila ng mararangal nilang adhikain para sa bayang ito. Noo’y nangako tayo na magkakaloob sa kanila ng kabihasnan, karunungan, liwanag, katarungan at kagandahang-asal ngunit pawang kabaligtaran nito ang ating ibinigay sa kanila.”

Sandaling tumigil sa masigabong pagsasalita ang mataas na kawani samantalang nababaghang nakatingin lamang ang di-makakibong Kapitan Heneral. Nagpatuloy ito sa paghahayag:

Kung tayo kaya ang nasa kalagayan ng mga Pilipino, ano kaya ang ating iisipin at gagawin? Magugunita marahil natin ang tungkol sa paghihimagsik katulad ng natitiyak kong balang-araw ay kanilang isasagawa at sila’y kakampihan ng mga taong may karangalan at ng mga bansang may pagmamahal sa katarungan. Kung ang isang bayan ay pagkakaitan ng kanyang kalayaan at kaligayahan, karapatan niyang ituring na magnanakaw ang nag-alis ng mga iyon. Totoo na ako’y hindi isang militar at matanda na at wala na ang dating init ng aking dugo ngunit ito lamang ang nais kong bigyan-diin sa inyo; papanigan ko ang mga Pilipinong inyong sinisiil at handa akong mamatay sa pagtatanggol ng mga niyuyurakang karapatan kaysa mabuhay at magtagumpay sa piling ng mga ganid na walang nasa kundi ang sariling kabutihan, sabihin pa ngang ito’y para sa Espanya.”

Kailan ba ang tulak ng bapor na pabalik sa Espanya?” marahang tanong ng Kapitan Heneral.

Ganap na naunawaan ng mataas na kawani ang tinurang ito kayat tinitigan lamang niya ang pinuno at yuko ang ulong umalis nang walang paalam. Bago sumakay sa kanyang karuwahe ay may sinabi ito sa kutsero na nagbukas ng pintuan, na hindi naman naunawaan nito ang ibig sabihin.

Kung sa darating na panahon ay nakapagkamit na kayo ng ganap na kasarinlan, huwag ninyo lamang kalilimutan na sa Espanya ay may mga taong kaisa ninyo ng damdamin at nakipaglaban para sa inyong mga karapatan.”

Pagkalipas lamang ng dalawang oras, ang mataas na kawani ay nagharap ng kanyang pagbibitiw sa katungkulan at ipinaalam ang pagbabalik niya sa Espanya sakay ng unang bapor na tutulak.



EL FILIBUSTERISMO

Kabanata XXXII

ANG IBINUNGA NG MGA PASKIN

Ang pagkabilanggo ng ilang mga estudyante ay nagkaroon ng iba’t ibang resulta sa buhay ng halos lahat ng mga nagsisipag-aral sa unubersidad. Maraming ina ang nagpauwi na sa kani-kanilang mga anak upang harapin na lamang ang pagbubukid o pagsasayang ng panahon. Matapos ang pagsusulit marami ang nalagpak at bihira lamang ang nakapasa sa mga kasapi sa kapisanang itinatag ngmga estudyante. Kabilang sa mga di-nakalusot sina Pecson, Tadeo at Juanito Pelaez. Si Pecso’y di-alintana ang pagkakalagpak at sinabing papasok na lamang siyang opisyal sa hukuman. Sa tuwa naman ni Tadeo dahil sa wala nang katapusang bakasyon ay gumawa ng isang siga at sinunog ang kanyang mga aklat. Ang tanging di-nasiyahan ay si Juanito sapgkat matatali na siya sa kanilang tindahan. Si Macaraig, dahil sa kanyang salapi ay nakakuha ng pasaporte at agad lumulan sa isang barkong patungong Europa. Tanging sina Isagani at Sandoval ang maluwalhating nakapasa sa magkakasama. Si Isagani ay tanging sa asignatura ni Pari Fernanadez nakapasa at lumagpak sa iba samantalang si Sandival ay nakapanlinlang ng tribunal dahil sa husay niyang magtalumpati.

Ang kahabag-habag na si Basilio ay nanatili sa bilangguan at tuwing ikatlong araw ay isinasailalim sa mga pagtatanong. Ang tanging dumadalaw sa kanya ay si Sinong na kutsero na siya ring nagbalita ng nangyari kay Juli at sa pagkawala ni Tandang Selo.

Samantala, napabalita sa mga pahayagan na magaling na si Simoun at diumano’y magdaraos ito ng isang pistang marangya bilang pasasalamat sa kanyang paggaling at pamamaalam na rin. Sasabay na raw ito sa pag-alis ng Kapitan Heneral na ngayon lamang tumutol sa mungkahi ni Simoun na humingi pa ng palugit sa panunungkulan. Mula noon ay malimit ding makita ang mayamang mag-aalahas sa tindahan ni Don Timoteo Pelaez na hininalang kasosyo na nito sa pangangalakal. Pagkalipas ng ilang linggo mga dakong Abril ay kumalat angbalitang ang anak ni Timoteo na si Juanito ay ikakasal kay Paulita Gomez. Labis na kinaiinggitan ng marami ang di sukat-akalaing mga suwerteng dumating sa buhay ni Don Timoteo lalo na ang pagkakapunta rito ng bahay ni Kapitan Tiago nang halos walang ibinayad at ang pagkakasama kay Simoun.

Totoo ang balitang ikakasal si Paulita Gomez kay Juanito Pelaez. Buhat nang kusang isuko ni Isagani ang sarili sa pamahalaang sibil at ang pagkakabilanggo nito ay nakapawi sa lahat ng kanyang pang-akit sa kasintahan. Nadagdagan pa ito ng pangungutya ni Juanito at pagsasabing walang matalinong tao na nakakatulad niya na kusang susuong sa panganib para lamang sa ngalan ng pakikisama samantalang ang iba’y nagtatago na nga sa kaayawang mapasangkot. Nag-isip nanag mataman si Paulita. Ano nga ba ang kinabukasan niya sa piling ng isang lalaking ang alam na pangarap ay mga kagubatan at kabundukang maraming linta at walang karangyaang kinasanayan niya. Ito’y isa lamang Indiyo at may malabong pinagmulan bukod pa sa may isang amaing pari na nahuhulaan niyang kaaway din ng karangyaan. Samantala, si Juanito ay may dugong kastila, mayaman, masaya at maliksi, at iisa ang pananaw nila sa buhay at uri ng lipunang ninanais galawan. Kayat isang araw ay nagpasiya ang dalaga na nabulagan lamang siya kay Isagani. Si Juanito ang higit na karapat-dapat sa kanya.

Nakaraan ang panahon ngmahal at wala namang malaking pangyayaring naganap maliban sa pagpapagiba sa mga bahay na yari sa pawid. Nang magtatapos na ang Abril ay nalimot na halos ang naganap sapagkat ang napagtutuunan naman ng usap-usapan ay ang tungkol sa napakaringal na kasal nina Paulita at Juanito. Ang magiging ninong ay ang Kapitan Heneral na aalis na pagkalipas ng dalawang araw pagkatapos ng kasalan. Ang namamahala raw ay ang bantog na si Simoun na ayon baliya ay magsasabog ng mga brilyante at perlas sa anak ng kanyang kasosyo. Ito raw ay isang uri ng piging na hindi malilimutan ng lahat. Nagulo ang kamaynilaan at nagsimulang mangamba na baka hindi sila maanyayahan. Nag-una-unahan sila sa pakikipagkaibigan kay Simoun at bagamat hindi kailangan, marami ang bumili ng mga bakal at yero kay Don Timoteo upang mapalapit at maging kaibigan nito at tuloy maanyayahan sa kasal ng anak nito.


1 Comments:

At 9:09 AM, Anonymous Anonymous said...

Thank You so much .. :)

 

Post a Comment

<< Home